GANTI (Ika-52 labas)

TAKBUHAN na hindi malaman ng mga armado kung saan susuling.

Naging matalino ang asset …

Sa loob ng van mabilis na tumakbo.

Nagkulong siya rito.

May nagtangkang sumunod at nagmakaawa na pagbuksan niya pero hindi binuksan ng asset.

Oras kasi na buksan niya ang pintuan, makakapasok ang mga killer bees at pati siya ay tiyak na madidisgrasya.

Mula sa loob, kitang-kita niya ang paghihirap ng mga armado habang dinudumog ng kagat nang makapal na killer bees.

Hindi magkandatutong dinukot niya ang kanyang cellphone at tinawagan si Mr. Lagdameo.

“H-Hindi namin kinaya ang power ni Aling Dolores, bosing. Patay na lahat ang mga tauhan mo. Pinatay ng mga killer bees na lumabas sa bibig ng mangkukulam. Nakaligtas ako dahil nagkulong ako sa van. Pero hindi ako makalabas. Binalot ng mga killer bees ang buong van. Hindi ako makaalis dahil hindi ko makita ang daraanan. Kailangan ko ang tulong ninyo,” paiyak na tawag ng asset sa kanyang amo.

“Magpapadala ako ng mga tao riyan. Relaks ka lang diyan!” sagot naman ni Mr. Lagdameo.

Takot na takot ang asset …

Araw na araw pero madilim ang tingin niya sa labas dahil sa kapal ng killer bees na bumalot sa van.

Maliwanag sa loob ng sasakyan at malamig dahil may baterya pa ang sasakyan pero hanggang kailan ito tatagal?

Oras na maubos ito, tiyak na magdidilim na rin sa loob ng van at magiging mainit na sa loob.

Hindi na siya makakahinga …

Mamamatay siya sa pamamagitan ng suffocation.

Samantala, isang kaibigang babae ni Aling Dolores ang naparaan …

Nagimbal siya sa nadatnang tagpo.

Nagkalat ang mga patay habang isang van ang ginawang bahay ng walang kasing kapal na killer bees.

Hindi niya napuna ang matandang babae na nakagapos sa isang puno.

“Mabuti at dumating ka, Genoveva. Tulungan mo akong makawala rito,” tawag ni Aling Dolores.

Saka pa lang niya napansin ang matandang babae.

Hangos niya itong kinalagan sa pagkakagapos.

“A-Ang daming patay. Ano ang nangyari rito, Aling Dolores. Tinangka nila akong patayin sa pamamagitan nang pagsunod nang buhay. Pero hindi sila umubra sa taglay kong kapangyarihan,” sagot ng matandang babae nang makawala na.

Lumapit ang matandang babae sa van na nababalot ng makapal na killer bees.

“Pinagbibintangan nila ako sa isang kasalanan na hindi ko ginawa. May buhay pa sa sasakyang ito. Paaminin ko siya kung sino ang nag-utos sa kanila at sisingilin ko sila nang mahal,” galit na sabi ni Aling Dolores.

Hinawi ng mangkukulam ang makapal na killer bees sa bandang pintuan at tinangkang buksan pero naka-lock sa loob.

Dumampot ng malaking bato ang matandang babae at binato ang bintanang salamin hanggang sa mabasag.

Takot na takot ang asset.

“Lumabas ka riyan kung ayaw mong sa lugar na iyan ka na malibing,” galit na sabi ni Aling Dolores.

“W-Wala akong kasalanan, Aling Dolores. Napag-utusan lang ako. Huwag mo akong ipapapatay sa mga alaga mo,” pagmamakaawa ng una.

Halos paluhod na lumabas ng van ang asset at umiiyak na nagmakaawa sa harapan ng mangkukulam.

“Sino ang nag-utos sa inyo para patayin ako?” galit na tanong ng matandang babae.

“Sina Mr. Lagdameo at Mr. Alegria. Gusto ka nilang ipapatay dahil sa pangugulam mo sa kanilang anak na naging dahilan ng kanilang kamatayan,” paiyak na tugon naman ng asset.

“Kung namatay man sila sa kulam, hindi ako ang may kagagawan. Maaring iba ang gumawa pero bakit ako ang pinagbibintangan?” galit na tanong ni Aling Dolores.

“H-Hindi ko po alam … wala po akong nalalaman sa ibinibintang nila sa iyo. Ang tanging kasalanan ko lang ay sumunod ako sa kanila bilang isang tauhan,” luhaang sagot ng asset.

“Dalhin mo ako sa kanila. Gusto kong makilala kung sino ang mangkukulam na pumatay sa kanilang anak pero sa akin nila ibinibintang,” matigas na sabi ni Aling Dolores sa huli.  Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply