GANTI (Ika-54 labas)

“MAY suhestiyon ako sa iyo, Mr. Lagdameo,” sabi ng mangkukulam sa mayamang lalaki.

“Ano iyon, Aling Dolores?”

“Magsanib tayo ng puwersa. Tutulungan kitang ipaghiganti ang iyong anak at ang kanyang kasama sa ginawa nina Bogart sa kanila,” sabi ng matandang babae.

Dahil sa sinabi ni Aling Dolores, karakang tinawagan ni Mr. Lagdameo
si Mr. Alegria.

Sinabi niya ang suggestion ng mangkukulam.

Mabilis na dumating sa bahay niya ang kaibigan.

Nang makita niya si Aling Dolores at marinig ang pagsasalita nito, kaagad siyang nakumbinsi na walang kasalanan ang matandang babae.

“Tinatanggap ko ang alok mo,” masayang sabi ni Mr. Alegria.

Hindi umimik si Mr. Lagdameo.

Ayaw niya kaagad husgahan sina Bogart at Helen hangga’t hindi niya napatutunayang totoo ang akusasyon ng matandang babae sa kanila.

Nang umalis si Mr. Alegria, isinama niya si Aling Dolores.

Pansamantala ay kukupkupin niya ang inaakalang kaalyado.

Nang wala na sila, tumunog ang telepono ni Mr. Lagdameo.

Si Bogart ang caller.

“Narinig ko kanina na nakauwi na ang asset mo na hinostage ng mga alagang killer bees ni Aling Dolores. Nakatakas ba sila o sadyang pinalaya?” tanong ng binata.

“Pinalaya siya ng mangkukulam at kasama siyang dumating ni Vito sa bahay,” malamig na sagot ng matandang lalaki.

“N-Nasa inyo ang matandang iyon?” hindi makapaniwalang tanong ng matandang babae.

“Wala na rito ngayon. Isinama ni Mr. Alegria para patirahin sa kanila. Tutulungan daw nila kami na maipaghiganti ang sinapit ang aming anak!”

Natigilan si Bogart …

Biglang kinabahan at hindi nakapagsalita.

Sigurado siya na ngayon ay alam na nina Mr. Lagdameo na hindi si Aling Dolores ang kumulam at nakapatay kina Patrick at Jordan.

Hindi siya nagkamali.

“Nagsagawa ng ritwal dito kanina si Aling Dolores para makilala namin kung sino ang tunay na suspek sa pagpatay sa aking anak at sa kanyang kaibigan, Bogart,” patuloy ni Mr. Lagdameo.

Hindi nagsalita ang lalaki …

Hinintay na lang ang kasunod na sasabihin ng kausap.

“At kayo ang itinurong salarin ni Aling Dolores. Niloko mo kami, Bogart. Kayo ang kriminal pero siya ang itinuro mo na may kasalanan,” malumanay pero mariing sabi ni Mr. Lagdameo.

Natakot at nahiya siya sa mayamang lalaki.

Pero nang maisip ang sinapit ng asawang si Rowena sa kamay ng grupo ng anak ng una, nabuhay ang galit sa kanyang dibdib.

“Malaki ang atraso sa akin ng grupo ng iyong anak, Mr. Lagdameo. May kasalanan din sa akin si Aling Dolores. Ayokong mabahiran ng dugo nila ang aking mga kamay kaya naisip ko na pag-awayin sila at sila-sila na lamang ang magpatayan,” matatag na sagot ni Bogart sa sinabi ng mayamang lalaki.

Hindi makapaniwala ang huli sa narinig.

“Kasama sa masamang grupo ang iyong anak, Mr. Lagdameo. Kabilang sa ginahasa nila at napatay ang aking asawa. Dapat nang maputol ang kanilang kabaliwan at mangyayari lamang iyon kung sila ay mamamatay.”

“Pero mali ang ginawa mong paglalagay ng batas sa iyong mga kamay.

Bakit hindi ka nagsumbong sa mga pulis?” sabi ng mayamang lalaki.

Tumawa si Bogart.

“Sayang lang ang panahon. Tiyak na mauuwi lang sa wala ang kaso dahil wala akong solidong ebidensiya na magtuturo sa kanila liban sa natutunan ko about sorcery,” aniya.

“Pero bakit sina Patrick at Jordan lang ang kinulam mo? Sila lang ba ang may atraso sa iyo?” matigas na tanong ni Mr. Lagdameo.

“Nagkataon lang na nauna sila pero susunod na ang kanilang mga kasama.”

“Ngayong alam ko nang ikaw ang kriminal, hindi mo ba naiisip na magkalaban na tayo ngayon, ha, Bogart?” tanong pa ng una. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply