Giyera at manika sa San Juan

SA bayan ng San Juan unang tumira ang pamilya ng aking lola galing sa probinsya ng Batangas. Dito din sa bayang ito ako bininyagan, sa San Juan Church sa Pinaglabanan.

Kamakailan, galing sa pagdalaw sa isang kaibigan ay napadaan ako ulit sa Pinaglaban Shrine na nasa luklukan ng N. Domingo at Pinaglabanan Streets.  Ang simbolo ng shrine ay ang estatwa ng babae at dalawang bata. Ang babae ay may hawak na bolo.

Ang Pinaglabanan Shrine ay ginawa para lagi nating maaalala ang simula ng 1896 Philippine Revolution.
Sinisimbulo ng Pinaglabanan Shrine ang isang kabanata sa ating kasaysayan na nagsimula nang lusubin ng mga  katipuneros ang kuta ng mga Kastila sa San Juan at ito ang unang gyera na nagbadya sa pagnanais ng Pilipino na makalaya sa pulitikal na panlulupig ng Espanya.

Ito ang tinatawag na Battle of San Juan del Monte na naganap sa pagitan ng hatinggabi ng Agosto, 29 at madaling araw ng Agosto 30, 1896, ilang araw matapos punitin ng mga katipuneros ang kanilang cedula sa Balintawak bilang harapang pagpapahayag ng rebelyon laban sa mga Kastila. Ang pangyayaring ito naman sa ating kasaysayan ng pagpunit ng cedula ay alam natin na the Cry of Pugad Lawin.

Kahit hindi siguro natin maipagmamalaki na isang malaking tagumpay ang Battle of San Juan del Monte dahil maraming katipuneros ang namatay doon, masasabi natin na ito ang nagbigay ng lakas ng loob at inspirasyon sa mga Pilipino noon na mag-aklas kung kaya mabilis na kumalat ang rebolusyon sa Manila at Cavite.

Maganda ang Pinaglabanan Shrine. Dapat na bisitahin ito ng maraming Pilipino. Maraming mga estudyante ang pumupunta dito, noon nga na dumalaw ako ilang araw pa lang ang nakalilipas ay kakaalis lang daw ng mga elementary students mula sa Krus na Ligas, isang barangay sa aking distrito sa Quezon City.

Inikot ako sa kabuuan ng Shrine ng curator na si Ferdinand Paggao at Shrine guide na si Noel Gaton.
Pumasok kami sa museum at nagulat ako na bagama’t maliit lang ang museum ay punong-puno ito ng mga memorabilia at hitik na hitik sa kasaysayan.

May mga larawan ng rebolusyon at mga sulat ni Gat. Andres Bonifacio sa kanyang mga pinagkakatiwalaang mga katipuneros. Nandun din maging ang mga larawan ng mga sinasabing pumatay kay Bonifacio.

Isa pa sa totoong kumuha ng aking pansin at paghanga na nasa museum din ay ang mga Ninay Dolls. Ito ang mga manika na gawa ng mga myembro ng Balikatan sa Kaunlaran Foundation (BKF) ng San Juan. Mga Ninay Dolls ang ginawang diorama para ilarawan ang mga nangyari noong digmaan.

Nakakatuwa ang mga Ninay Dolls na ginawang kamukha ng mga sikat na tao, maging mga personalidad ng kasalukuyan tulad ni Pangulong Erap Estrada, Congressman JV Ejercito ng San Juan at maging ng batikang aktor na si Fernando Poe, Jr.

Isinulat ko sa kolum natin ngayon ang tungkol sa Pinaglabanan Shrine at maging ang mga Ninay Dolls para hikayatin ang mga Pilipino, mga local tourists, o mga kaibigan natin na mula sa ibang bansa, na bisitahin ang Pinaglabanan Shrine sa bayan ng San Juan.

Maganda sana na lahat ng bayan ay magkaroon ng mga Shrines na magpapa-alala ng mga magagandang kasayasayan sa kanilang mga lugar. Hindi lang para maging pasyalan kundi para maibahagi natin sa mga susunod na henerasyon, sa mga kabataan, ang kayamanan ng kasaysayan ng ating bansang Pilipinas.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply