Grupo ni Webb, kasama pa rin sa new Vizconde massacre probe

TATLONG espesyal na grupo ang binuo ng Philippine National Police at ng National Bureau of Investigation upang magsagawa ng reimbestigasyon ng Vizconde massacre.

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Martes na ang mga grupong ito ang mag-iimbestiga sa tatlong set ng suspects na maaaring nasa likod ng nasabing karumal-dumal na krimen noong 1991.

Ani De Lima, kasali pa rin sa tatlong sets ng suspect na iimbestigahan ang grupo ni Hubert Webb kahit na in-acquit na sila kamakailan ng Korte Suprema.

Ngunit kung mapatunayan man sa bagong imbestigasyon na sina Webb nga ang may sala, di na sila pwedeng kasuhang muli dahil double jeopardy na ito at labag na ito sa 1987 Constitution, ayon kay De Lima.

Magkagayunman, importante pa rin na malaman kung sila nga ang may kagagawan ng krimen, ayon sa kalihim ng Department of Justice. “If that is indeed the outcome of the investigation, they can no longer be charged again. But at least the public knows the truth.”

Ang dalawa pang sets of suspect na iimbestigahan ay ang Baroso Gang at ang grupong pinamumunuan ng isang nagngangalang Engineer Angelito Santos.

Ang Baroso Gang ay kinabibilangan ng magkapatid na sina Roberto at Villardo Baroso, Bienvenido Baydo, Rolando Mendoza, Angelito Santos, at Ernesto Cesar.

Samantalang kasama naman ni Santos sa kanyang grupo ang mga pulis na sina Ruben Pineda, Angel Viaje, at Rodolfo Collado.

Inaresto ng mga awtoridad ang mga miyembro ng dalawang grupo mula October 1991 to June 1993. Ngunit na-dismiss ang mga kasong isinampa laban sa kanila dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Karumaldumal na pinislang sina Estrellita Vizconde at ang dalawa niyang anak na sina Carmela at Jennifer sa loob ng kanilang tahanan sa BF Homes, Parañaque City noong June 30, 1991.

Sa nasabing massacre, 13 beses pinagsasaksak ang noo’y 47 anyos na si Estrellita. Si Carmela naman na noo’y 18 y.o. ay sinaksak ng 17 beses at ginahasa pa.

Ang noo’y pitong taong gulang na si Jennifer ay nagtamo ng 19 na saksak.

Nasa Estados Unidos ang asawa at ama ng mga biktima na si Lauro Vizconde nang maganap ang massacre.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply