Hagilapin lahat ang mga tagong yaman ng Ampatuans

NANG maideklara ang martial law sa Maguindanao makaraan ang Maguindanao massacre, ni-raid ng mga awtoridad ang isa sa mga Palasyo ng mga Ampatuan sa lugar.

Natagpuan doon ang isang malaking safety vault ng salapi. Wala ni kusing na laman iyon. Kaya naman, may nagsasabi noon na walang atik ang mga Ampatuan.

Wala ring nahukay na  salapi mula sa mga pinagbaunan ng mga baril at bala na itinago ng mga Ampatuan.

Pero ngayong hinahalukay ng Commission on Audit ang records ng pinansiya ng lalawigan sa taong 2008-2009, may kuwestiyonableng P2 bilyon. At nanggaling umano ito sa internal revenue allotment.

Saang mga proyekto o programa ginamit ang P2B? Tiyak namang may ginamit na pampasahod sa mga empleyado ng lalawigan. Pero paano ang natira, kung meron man?

Ang pagkakaalam natin, palalawakin ng COA ang pag-audit nito sa Maguindanao at maaaring isama ang mga taong 2001-2008 na buong panahon ng pagiging gobernador ni ex-Gov. Andal Ampatuan Sr. Maaari rin umanong isama sa audit ang Autonomous Region of Muslim Mindanao.

Hanggang makakayanan, mungkahi nating isama na rin ang mga munisipyo at barangay hindi lang sa lalawigan ng Maguindanao kundi sa ilalim ng ARMM.

Ito’y dahil sa hindi lang ang pamahalaang lalawigan ang nagkakaroon ng IRA kundi maging ang mga munisipyo at barangay.

Matatandaang naging parang Diyos ang mga Ampatuan mula sa ARMM hanggang sa lalawigang Maguindanao at mga munisipyo at barangay.

Pupuwede na ring isabay sa audit ang mga nakikitang pinaggamitan ng mga salaping bayan, IRA at kaltas sa Government Service Insurance System ng mga guro at iba pang empleyado ng pamahalaan.

Kabilang sa mga nakikitang kayaman ng mga Ampatuan ang mga naglalakihang palasyo at mansiyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya sa Maguindanao mismo, sa Davao at Metro Manila.

Tiyak na meron ding pinagpaguran ang mga Ampatuan sa mga kayamanang ito pero magandang ihiwalay ang mga tago at nakaw na yaman, kung meron, at ilagay lahat sa kamay ng pamahalaan para sa kapakanan ng bayan.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.
Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply