Hubert Webb muling umapela sa SC

Naghain ng panibagong mosyon ang kampo ni Hubert Webb sa Supreme Court (SC) kaugnay ng kaso ng Vizconde Massacre.

Ang 80- pahinang mosyon na inihain ni Atty. Demetrio Custodio, legal counsel ni Webb, ay bilang supplement sa naunang urgent motion na kanilang inihain kung saan hiniling nila na mapawalang sala sa kaso si Webb.

Sa nasabing mosyon, iginiit ng kampo ni Webb na walang ebidensya para madiin sa nasabing krimen si Hubert dahil hindi umano kapani-paniwala ang naging testimonya ng pangunahing saksi na si Jessica Alfaro.

Binigyang diin sa mosyon na ang testimonya ni Alfaro ay pinasinungalingan ng mga certification na ipinalabas noon ng gobyerno ng Amerika at maging ng Pilipinas na parehong nagpapatunay na si Webb ay wala sa Pilipinas nang maganap ang krimen.

Naniniwala si Custodio na mas dapat bigyan ng bigat ng korte ang mga nasabing dokumento gayundin ang plane ticket at mga passenger manifest ng United Airlines at Philippine Airlines kaysa sa testimonya ni Alfaro.
Samantala, malaki ang posibilidad na mapagbigyan ng SC ang kahilingan ni Webb na maabswelto sa naturang krimen.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, nakasaad sa orihinal na desisyon ng ponente sa kaso na dapat mapawalang sala si Webb. Gayunman kailangan pang dumaan sa botohan ng SC en banc ang iniakda na desisyon ng ponente sa kaso.

Sinabi ng source na maaaring ilabas na ng SC ang kanilang hatol sa January 18,2011. Teresa Tavares

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply