Ipitin ang kayamanan ng Ampatuans – JPE

KINALAMPAG ni Senate President Juan Ponce Enrile si Pangulong Benigno Aquino III na kaagad atasan ang awtoridad sa pananalapi na ipitin ang lahat ng yaman ng pamilya Ampatuan matapos nitongng tangkaing manuhol upang makatakas ang kamag-anak na suspek sa Maguindanao Massacre.

Ayon kay Enrile, may kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council na ipitin ang naka-depositong salapi ng pamilya Ampatuan upang hindi na magamit sa anumang pamamaraan na makaligtas sa kasong kinahaharap nito.

Sinabi ng presidente ng Senado na kung siya lamang ang masusunod, kaagad siyang kikilos upang i-freeze ang lahat ng kanilang ari-arian kabilang ang mga tagong yaman na nakadeposito sa bangko upang maiwasan ang anumang sigalot tulad ng panunuhol.

“If I were in the place of the government, I would have taken an immediate action to freeze their assets,” giit ni Enrile.

Matatandaang tinangka ng pamilya Ampatuan na manuhol diumano ng P150 milyon kapalit ng pagpapatakas kay dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan na nasasangkot sa malawakang pagpatay ng tinaguriang Maguindanao massacre.

Tinangka umano ng pamilya Ampatuan na suhulan ang hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may paunang P50 milyon kapalit ng pagpapatakas sa dating gobernador ng ARMM.

Aniya, dapat maipaliwanag ng pamilya Ampatuan kung paano sila nagkamal ng multi-bilyong ari-arian tulad ng mga dambuhalang mansiyon, mamahaling sasakyan, malalawak na lupain at multi-milyong salapi.

“They have to explain how they accumulated such amounts of money based on their income tax returns. I am sure that they must have filed income tax returns,” paliwanag ni Enrile. Ernie Reyes

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply