Jessica Alfaro pinababalik sa ‘Pinas

ISINUSULONG na ng kampo ng mga napalayang akusado ng Vizconde massacre ang paghahain ng extradition case laban sa “star witness” ng Vizconde Massacre na si Jessica Alfaro, na ngayon ay nasa Estados Unidos, upang kaharapin ang patong-patong na kasong kriminal na isasampa laban sa kanya.

Sinabi ni  Atty. Jose Flaminiano, abogado ng dalawa sa mga napawalang-salang akusado na sina Hospicio “Pyke” Fernandez at Gerardo Biong, na hindi nila palalampasin ang pagdadawit ni Alfaro sa kanyang mga kliyente sa karumal-dumal na krimen.

Makikipag-ugnayan na rin umano si Flaminiano sa lahat ng mga abogado ng ibang mga dating akusado upang maplantsa ang kanilang hakbang, kabilang ang pagsasampa ng extradition case laban sa dating star witness.

Bukod dito, sinabi ni Flaminiano na maghahain din sila ng kasong “fabrication of evidence” laban kay Alfaro.

Binigyang-diin niya na hindi sila mananahimik lalo pa’t lumakas ang kanilang laban matapos ipawalang-sala ng Korte Suprema ang taong itinuro ni Alfaro bilang mga salarin sa karumal-dumal na Vizconde massacre.

Dagdag pa ni Flamiano, pinag-aaralan na rin nila ang pagkuha ng danyos mula sa gobyerno dahil sa sampu-hanggang 15-taong pagkakakulong ng kaniyang mga kliyente.

Samantala sa Senado, nagkaisa ang ilang senador na buksan muli ang kontrobersiyal na Vizconde massacre, na naganap 19 na taon na ang nakararaan.

Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, walang magiging problemang ligal kung magkakaroon ng muling imbestigasyon sa naturang karumal-dumal na krimen, na siyang pinaburan ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III.

“Kahit abutin ng 60 taon pa, maaaring magkaroon ng panibagong imbestigasyon sa anumang kaso,” ayon kay Enrile.

“I fully support not only the re-investigation but the continuing investigation of the Vizconde case” ani Sotto.

Ayon kay Sotto, buo ang suporta ng Senado sa anumang kakailanganin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isasagawang imbestigasyon.

“I will throw the ball sa NBI,” ani Sotto. “Sa kanila nanggaling ang mga kasong yan, so ito ang pinaka-magandang pagkakataon kay Director Gatdula para ipakita ang gilas ng NBI.”

Naniniwala si Sotto na puwede pang tumestigo ang mga saksi na nakausap noon ngunit ayaw magsalita sa panahon ng kasagsagan ng paglilitis sa krimen.

Idinagdag ng mambabatas na maaaring makakuha ng panibagong ebidensiya ang awtoridad na magtutukoy sa tunay na salarin.

“May mga testigo na hindi tumestigo noon at may tumestigong mali na puwede pang makausap sa mga panahon ngayon. Baka sakali ngayon magsabi na ng totoo,” aniya.

Kaya’t hiniling ng senador sa NBI na magsagawa ng panibagong imbestigasyon dahil malaki ang tiwala nito sa bagong lider ng ahensiya na siyang dapat ipakita ng administrasyon.

“Iba na ang leadership ngayon, di ba? Maayos noong panahon ni Lim, maayos nung panahon ni Epi Velesco, maayos nung panahon ni Mantaring, walang mga iskandalo. Kaya magandang ipakita ngayon ni Director Gatdula kung maayos ang takbo ng NBI,” giit ni Sotto.

Naniniwala pa si Sotto na maagang malulutas ang krimen dahil may makabago nang pamamaraan ang NBI upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, kabilang ang DNA testing.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi dapat “case closed” lamang ang maging kinalabasan ng kaso, kundi kailangan “case solved” at mahuli ang tunay na salarin.

“If we reinvestigate, we can find who is really responsible,” aniya. Teresa Tavares/Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply