Jessy Mendiola, banta sa trono ng mga ‘Venus’ ng pelikula

NANG ipalabas ng ABS-CBN ang trailer ng TV show na “Sabel” kung saan isang magandang dalagita ang umahon sa tubig, nag-Venus Arising sa pinilakan, nasabi namin sa aming sarili na heto na ang bagong iibigin hindi lang sa mga huling araw ng Disyembre—dahil isa sa mga araw na ito ay mapapanood na ang programa—kundi ang isa sa pinakamahahalagang bituin sa 2011.

Tumabi-tabi ang mga may hawak ng korona ng kaseksihan dahil nandito na ang banta sa trono ng kariktan si Jessy Mendiola.

Nabuhay na mag-uli ang mga imahen ng mga Paraluman, Edna Luna, Gina Pareño, Alma Moreno, Rio Locsin, Tetchie Agbayani, Lorna Tolentino, Sarsi Emmanuelle, Kristine Garcia, Daria Ramirez, Carmen Ronda, Dina Bonnevie, Pilar Pilapil, Kristine Hermosa, Claudia Zobel, Marian Rivera at iba pang seksing aktres.

Hindi matatawaran ang kagandahan at kakurbadahan ng katawan ni Jessy na isa sa mga ginintuang ari-ariang nilikha ng Star Magic.

Mainit na pagmamay-ari ng Channel ang batambatang aktres na tiyak na maghahatid sa glorya ng mga tagapanood hindi lang ng mga kalalakihan kundi ng mga kababaihan din sa kinomersyal na sistema ng aliwang Filipino.

***

Alam ba ninyo na si Mendiola ay kaibigang matalik at kasabay ng napipinto ring malaking bituin sa susunod na taon na si Ria Garcia?

Si Ria Garcia na bidang babae sa “Ishmael” ni Richard Somes na ipinalabas kamakailan sa Cinema One Originals Film Festival ni Ronald Arguelles.

Maraming sekretong pinagsasalunan sina Jessy at Ria at halos minu-minuto ay magkausap at magka-text sila.

Pati sa mga manliligaw ay may isang aktor na nagkakandarapa sa kanila?

Pero idinadaan na lang nina Mendiola at Garcia ang lahat sa ngiti at tawa dahil pareho ang estilo ng panliligaw ng guwapo at simpatikong batang aktor sa kanila.

Maging magkaribal din kaya sa kaiskatan sina Jessy at Ria?

Abangan.

MERYLL SORIANO, NANGHIHINAYANG SA PAGKAWALA NI JOEM BASCON

Aminado si Meryll Soriano na nanghihinayang siya sa pagkawala ng pag-iibigan nila ni Joem Bascon.

Pero determinado si Meryll na patuloy ang buhay kahit wala muna siyang katipan.

Sa January ay luluwas siya patungong London para mag-aral ng Interior Design at siyempre, ng art history.

Pero puwede naman ang long distance love affair, di ba, kung talagang ang dahilan ng pahihiwalay nila ay ang pag-aaral ng aktres sa ibayong-dagat?

Napangiti lang si Soriano at nakipagkuwentuhan na lang kay Jeffrey Quizon.

***

May meningitis na si Wanggo Gallaga, ang anak ng pamosong filmmaker na si Peque Gallaga, nang dahil sa pagkakaroon niya ng HIV o Human Immuno Virus na naghahatid ng Acquired Immune Deficiency Syndrom o AIDS.

Ito ang ibinalita ni Maria Isabel Lopez nang ipalabas ang “HIV (Si Heidi, si Ivy at si V…)” sa Robinsons Galleria Movieworld kamakailan.

Nasa Bacolod City ngayon si Wanggo at mababa na ang kanyang immune system nang dahil sa HIV.

Ang batang Gallaga ang nagbigay ng inspirasyon sa pagbuo ng istorya ng pelikula ni Neal “Buboy” Tan.  Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply