Kaso ni Willie Revillame, naipasa na sa ibang hukom

MAY bago nang hukumang didinig sa kaso ni Willie Revillame laban sa dati niyang home network na ABS-CBN Broadcasting Corporation matapos maire-raffle ang kaso sa ibang korte sa Quezon City.

Matatandaang binitiwan ni Judge Luisito Cortez ng QC Regional Trial Court – Branch 84 ang kaso matapos na magsumite ng mosyon ang ABS-CBN na humihiling na palitan ang nasabing hukom.

Nai-raffle ang kaso Martes ng hapon. Bumagsak ito sa sala ni Judge Santiago Arenas ng Quezon City RTC-Branch 217.

Iginiit ng ABS-CBN ang pagbitiw ni Judge Cortez sa kaso matapos na tumanggi ang hukom na pagbigyan ang kahilingan ng kumpanya na kaagad na mag-isyu ng temporary restraining order sa pagpapalabas ng bagong programa ni Revillame sa TV5 Associated Broadcasting Company (ABC) na “Willing Willie”.

Ayon sa ABS-CBN, may “undisclosed relationship” umano ang asawa ni Cortez na si Angelita Ortega Cortez, isang abogado, sa presidente ng ABC na si Ray Espinosa.

Anang ABS-CBN, katrabaho ni Angelita si Espinosa sa isang law firm sa Makati City.

Sa kanyang ipinalabas na kautusan noong Disyembre 13, 2010, binigyang-diin ni Judge Cortez na nagkakamali ang ABS-CBN at walang basehan ang persepsyon nilang may kinikilingan siya sa kaso.

Magkagayunman, pumayag ang hukom na bitawan ang pagdinig sa kaso para hindi raw umano mawalan ng tiwala sa sistema ng hudikatura ang magkabilang-panig.

Magugunitang naghain ng petisyon si Revillame sa korte para kilalaning legal ang desisyon niyang ikansela ang kontrata niya sa ABS-CBN dahil pinutol ng higanteng network ang pag-eere ng kanyang programang “Wowowee.”

Humihingi rin siya ng P11 milyon na danyos mula sa Kapamilya network.

Sumagot naman ang ABS-CBN sa pamamagitan ng counter claim na naggigiit na may bisa pa ang kontrata nila kay Revillame hanggang Setyembre 2011. Humihingi rin ng P486 milyong danyos ang ABS-CBN. Robert C. Ticzon

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply