Kaso vs Gutierrez dapat nang umusad – solon

DAPAT na umanong umusad ang kasong impeachment laban kay Ombudsman Merciditas Gutierrez.

Ito ang tinuran ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na nagsabing posibleng gahulin sa oras ang Kamara para mapanagot ang Ombudsman sa mga isyung ipinupukol laban dito.

“Kasi si Ombudsman, hanggang 2012 na lang iyan. Eh, kung masyadong maraming balakid tayong ipapasa, baka hindi na uusad ang kaso,” ani Fariñas.

Una rito, mismong ang Supreme Court ang nagpatigil sa imbestigasyon ng justice commitee ng Kamara matapos na kuwestyonin ni Gutierrez ang dalawang magkasabay na complaints laban sa kanya.

Una na ring nagpahayag ng balak ang ilang kongresista na amyendahan ang impeachment complaints laban sa Ombudsman para idagdag ang isyu hinggil sa kontrobersiyal na kasunduang pinasok sa kaso ni Heneral Carlos Garcia.

Ayon kay Fariñas, bagama’t maaaring amyendahan ang reklamo, makapagpapabagal lamang ito sa proseso.

“Para sa akin, gamitin na lang iyang ebidensiya. Kasi kung aamyendahan pa ang complaint, baka lalo lang tatagal iyan. Makakarating pa iyan sa Supreme Court,” ayon sa mambabatas.

Naniniwala naman ang opisyal na lalong titibay ang kasong “betrayal of public trust” laban sa Ombudsman, na isa sa mga grounds para sa impeachment case, dahil sa desisyon ng mga special prosecutors na makipag-areglo kay Garcia.

“Siyempre, makikita ng mga kongresista itong ebidensiya sasabihin nila, ‘ano ba naman iyang Ombudsman na iyan, plunder case pumayag na i-areglo,'” dagdag ng mambabatas. RT Monitoring

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply