Kasong katiwalian vs GMA tuloy pa rin

TULOY pa rin ang mga kasong katiwalian na kinasasangkutan ni dating Pangulong Gloria Arroyo kahit pa ibinasura na ng Korte Suprema ang pagkakatatag sa Truth Commission.

Ayon kay Justice Undersecretary Francisco Baraan, ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi nangangahulugan na ligtas na sa anumang kaso ang dating Pangulo.

Maaari naman aniyang imbestigahan ang mga sinasabing anomalyang kinasasangkutan ni Arroyo sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) o ng office of the Ombudsman.

Sinabi rin ni Baraan na maaari pa rin namang lumusot ang binuong Truth Commission sa pamamagitan ng pag-amyenda sa nilalaman ng Executive Order number 1.

Isa aniyang opsyon ay ang pagbabago sa mga kinukwestyong bahagi ng order upang tumugma sa pamantayang hinihingi ng Korte Suprema.

Makikipagtulungan din aniya ang DOJ sa Malacañang sa pagbalangkas ng motion for reconsideration na ihahain sa Korte Suprema ukol sa nasabing kaso.

Samantala, itinanggi naman ng DOJ na sa kanilang tanggapan nanggaling ang kopya ng listahan ng mga aplikante para sa amnestiya.

Napasama ang pangalan ni Senador Gregorio Honasan sa nasabing listahan.

Ani Baraan, bagamat ang pangalan ni Honasan ay kasama sa mga respondent sa kasong may kinalaman sa Marine standoff na kinasasangkutan din ng grupo ni Senador Antonio Trillanes IV, wala naman aniyang ipinalabas na listahan ang DOJ hinggil sa mga inirerekomenda nitong mabigyan ng amnestiya kaugnay ng nasabing kaso.

Hinala si Baraan na ang kinukwestyong listahan ay posibleng nagmula sa tanggapan ni Trillanes.

Ito’y dahil sa humingi aniya sa DOJ ang sekretarya ni Trillanes ng listahan ng mga respondent sa nabanggit na kaso. Teresa Tavares

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply