Dina ibinuking na may anak na sina Kristine, Oyo boy

NGAYONG malapit na ang kasal nina Kristine Hermosa at Oyo Boy Sotto, at excited na rin ang madir na si Dina Bonnevie sa nalalapit na kasal, ibinulgar na rin ni Dina na may anak na pala ang kaniyang bunsong si Oyo Boy kay Kristine.

Kuwento ng seksing lola, nininerbyos siya sa pagpapakasal ni Oyo Boy dahil dahil 26-anyos pa lang daw ito. Baka raw kasi magbago pa ito ng isip. Paulit-ulit nga raw niyang tinatanong ang dalawa kung handa na ang mga ito na sumuong sa buhay may asawa.

Plano ng dalawang magsing-irog na sa January 2011 sila pakakasal — para nga naman hindi kasabay ng kasal nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez, at para makapaghandaang mabuti ng dalawa.

Pero may isa pang tsika si Dina. May anak na pala sina Oyo at Kristine na isang batang lalaki. Hindi po natural son kundi ampon, kaya kung magkakaanak daw ang dalawa, sana raw ay maging babae dahil talagang gusto niya ang apong babae. Ito rin daw ang gusto ni Vic Sotto. O di ba nagkasundo ang dating mag-asawa?

Sina Danica Sotto at Marc Pingris kasi ay lalaki rin ang anak. Pero sa totoo lang, ayaw pa raw niyang  magkaapo kina Oyo at Kristine. Dapat daw, parehong handa ang dalawa bago sila magkaanak.

KONTROBERSYA SA MMFF, TINAASAN NG KILAY

BINALEWALA ng Board of Jurors ng 36th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa kontrobersiya kaugnay sa awards night ng film fest kahit pa marami ang kumuwestyon sa pagkapanalo ni Ai-Ai delas Alas bilang best actress at sa kaniyang pelikula na “Tanging Ina Mo Rin: Last Na ‘To” bilang best picture.

Ayon kay TV host na si Butch Francisco, isa sa mga hurado, talagang mahirap ang kanilang trabaho. Una, bago ang criteria ngayong taon. Ngayon, 70 percent ang points para sa technical excellence at artistic value at 30% naman para sa family at cultural values. Sa mga pamantayang ito, pasok na pasok ang pelikula ni Ai-Ai delas Alas kaya ito ang nanalo.

Tinanggal din daw nila ang criteria na ang batayan ay ang kita ng kalahok na pelikula sa takilya, dahil napakaraming kumuwestyon dito noong mga nagdaang MMFF Awards years.

Ang “Rosario” na kauna-unahang pelikula ni Albert Martinez bilang direktor ay siyang pinakapaboritong manalo ng best picture award pero nabigo ang lahat.

MTRCB DI RAW PUMABOR KAY PIDOL

Bahagyang napakunot ang noo ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chairperson Grace Poe-Llamanzares  sa bintang na binigyan ng pabor ng kanyang tanggapan ang kontrobersiyal na pelikula ni Dolphy na kasali sa 36th Metro Manila Film Festival (MMFF) — ang Father Jejemon.

Wala raw kinalaman ang pagkakaibigan ng kanilang pamilya sa pagbibigay ng MTRCB ng “general patronage” na rating sa “Father Jejemon” dahil hindi naman siya ang nagbigay ng rating kundi ang kanyang mga kasamahan.

Matatandaang inireklamo ng ilang religious groups na pakontrobersyal ang Father Jejemon sa MTRCB  dahil daw sa — ewan ba– yung pustiso raw na kumagat sa ‘hostia!!!’ Isa iyon sa mga eksena sa pelikula ng Comedy King na kusang ipinatanggal ni Dolphy para wala nang gulo. Ano pa ba? Grrr!!!

Ayon kay Llamanzares, at naniniwala ako sa kanya — sana kayo rin — hindi talaga niya binigyan ng pabor si Dolphy dahil kaibigan ito ng kaniyang pamilya. Sa dami raw ng miyembro ng Board, hindi niya alam kung ano ang iniisip ng mga ito. Besides, hindi raw naman niya nababasa ang isip ng iba, at wala siyang balak na magdikta sa kanyang mga miyembro kahit siya pa ang MTRCB Chairman.

Umapela naman uli si Llamanzares sa publiko na panoorin ang pelikula bago husgahan. Maganda raw kasi ang pelikula — sa totoo lang.

Si Dolphy ang tinanghal na best actor para sa “Father Jejemon” at best supporting actor para sa “Rosario” sa awards night ng Metro Manila Film Festival.

Samantala,  kinumpirma ni comedy king na ito na ang huling pagkakataon niyang pagsali sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Swerte lang daw talagang nanalo siyang best actor sa Father Jejemon at Best Supporting Actor sa Rosario.

Sa totoo lang, hindi na tinapos ni Dolphy ang parade dahil sa karamdaman, although sabi naman ni Vandolph — anak niya kay Alma Moreno, maayos naman ang kalagayan ng kanyang ama. Natatawa nga raw si Mang Pidol dahil palagay niya ay magtatagal pa ang buhay niya kahit 82 years old na siya dahil nababalita na siyang patay o malapit nang mamatay.

Plano daw sana ni Mang Pidol ang hindi dumalo sa parada ng mga kalahok sa Film Feast pero alam niyang hinihintay siya ng mga tao kaya nagpasama siya sa asawang si ZsaZsa Padilla kahit nanghihina na siya.

Kabilang sa mga entry ng 2010 MMFF ay ang pelikulang “Dalaw,” “Shake, Rattle and Roll XII,” “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last na To!),” ‘RPG’, “Super Inday and the Magic Bibe,” “Rosario” at “Ang Agimat ni Enteng.” Nenet Villafania

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply