Kumakahol sa maling puno

PAGKATAPOS ibasura ng Korte Suprema ni Gloring ang Komisyon ng Katotohanan (Truth Commission) na binuo ni PNoy, maraming humingi ng ulo ng mga taong nakapaligid sa pangulo.

Palpak daw sila. Sila raw ang dahilan kung bakit sandamukal na kautusan ni PNoy ang natatalo sa Korte.
Mahina raw kasi sila kumpara sa mga taong nakapaligid noon sa munting pangulong pinalitan ni PNoy.

Ang totoo niyan, mga ginoo at ginang, sinlakas lang o singhina ng mga tauhan ng dating presidente ang mga tauhan ng kasalukuyang presidente. Mas tuso nga lang ang una at nagawa niyang ilagay ang mga tauhan niya sa pwesto bago umalis sa palasyo. At ito ang labis na nakaaasar.

Sa ginawa ng Korte Suprema na pagbasura sa komisyon na ipinangako ni PNoy noong nangangampanya pa sa eleksyon, inalisan nito ng pag-asa ang mga tao na makakamit ang matagal na nilang inaasam-asam na hustisya laban sa mga tiwaling nagpasasa sa yaman ng bansa.

Naunsami ang pag-asang maparusahan ang mga nagpahirap sa bayan noong panahong nasa posisyon pa sila.

Sinasabi ngayon na may iba pang paraan para maghabol. Nariyan daw ang Ombudsman at Department of Justice.
Totoo sigurong merong iba pang paraan, pero hindi iyon ang Ombudsman, este, Ombudswoman sa katauhan ng kaibigan ng mga Arroyo na si Merci Gutierrez. Simula’t sapul e kinampihan na at binigyan ng proteksyon ng Arroyo Supreme Court ang aleng ito. Isa siyang untouchable – hindi yung untouchable sa India kundi isang tunay na untouchable na hindi magalaw-galaw o mapaalis sa pwesto.

Walang pakinabang sa kanya ang sawimpalad nating bansa. Gaya ng walang pakinabang ang bansa sa mga tauhan ni Gloring sa Korte.

Hindi raw makatarungan para kay Gloring na pagdiskitahan ng Truth Commission. Hindi lang daw naman siya ang kawatan sa gobyerno. Hindi nila naisip na hindi lang naman din siya ang iimbestigahan kundi ang iba pang mga tao na nagpasasa rin.

Hindi kaiba sa Feliciano Commission, Melo Commission at iba pang mga komisyon na binuo ni Aling Gloring ang
Truth Commission. Hindi pinagbawalan ang naunang mga komisyon, bakit pagbabawalan ngayon ang bagong komisyon na likha ni PNoy? Hindi ba’t ang sarsa para sa litsong manok e sarsa rin para sa litsong baboy?

Bakit ganun?

Sasabihin ng mga pilosopo na wala naman kasing nagreklamo noon sa mga komisyong binuo ni Aling Gloring
samantalang merong panatikong maka-Gloring ang kumuwestyon sa Truth Commission sa Korte Suprema.

Naturalmente. Alam kasi nila ang sentimyento ng nakaupong mga mahistrado kaya malakas ang loob nilang ihain ang reklamo laban sa kasalukuyang administrasyon sa Korte Suprema. At lagi naman itong nagde-deliver.

Kaya nga sunud-sunod ang pagkatalo ng mga kaso ng administrasyong Aquino dito.

May iba pa naman talagang paraan. Imbestigasyon lang naman talaga ang pakay ng Truth Commission at hindi prosecution. Ang nakaiinis lang, ‘yung kagustuhan ng maraming tao na naghalal kay PNoy at umasa na hahabulin ang mga tiwaling tao e nauunsyami dahil lamang sa kagagawan ng ilang taong hindi naman ibinoto ng madla. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply