Lovi Poe, Famas best actress; Allen Dizon, best actor

UMARYA na naman ang FAMAS, ang pinakauna at pinakamatagal nang naghahatag ng mga parangal sa pinakamagagaling sa larangan ng pelikulang Filipino.

Ang Filipino Academy for Motion Picture Arts and Sciences na sinasabi ng kontrobersyal at pangunahing kasapi ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon na pabayaan na lang ang Film Academy of the Philippines na siyang magbigay ng parangal dahil ito ang industry award—pero hindi nakikinig ang mga taga-Famas.

Hala at hatag pa rin sila nang hatag ng mga gantimpala taun-taon.

Ngayon ngang taong ito ay pinarangalan ng akademya ang mahuhusay noong isang taon.

Si Lovi Poe ang nagwaging Best Actress para sa pelikulang “Sagrada Familia” na tungkol sa pagkalugso ng isang pamilya nang dahil sa paggamit na sekswal ng ama sa kanyang anak na babae dahil sa pananakot.

***

Si Lovi rin ang naggawad ng parangal para sa Fernando Poe, Jr. Memorial Award para kay Ronnie Ricketts.

Marahil ay ipinagpaalam ng pamunuan ng FAMAS kay Mary Grace Poe Llamanzares, ang tagapangulo ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB, na si Lovi ang nagbigay ng FPJ Award dahil magkapatid naman sila sa ama.

Samantala, natalo ni Poe sa pagka-Pinakamahusay na Aktres ang mga tulad nina Janice de Belen (“Last Viewing”), Iza Calzado (“Dukot”), Sharon Cuneta (“Mano Po 6”), Eugene Domingo (“Kimmy Dora”), Sarah Geronimo (“You Changed My Life”) at Angelica Panganiban (“I Love You, Goodbye”).

Si Allen Dizon naman ang Best Actor para sa pelikulang “Dukot” ng ATD Entertainment na ni-line produce ni Dennis Evangelista.

***

Ang nag-uwi naman ng Best Supporting Actress ay si Gloria Diaz para sa “Sagrada Familia.”

Si Bella Flores ang nagbigay ng torpeyo ng karangalan para kay Gloria na walang kupas ang kagandahan.

Gandang-ganda nga si Anthony Castelo kay Diaz na para anyang hindi tumatanda.

Si Emilio Garcia naman ang nanalong Best Supporting Actor para sa “Sagrada Familia.”

Ang direktor ng “Sagrada Familia” na si Joel Lamangan ang siyang iprinoklamang Best Director para sa pelikulang “Dukot” na inihahandog niya upang sariwain ang madidilim na nakalipas ng panahon ng Batas Militar at upang hadlangan ang pagdukot sa mga taong kumakalaban sa naghaharing-uri.

Best Film naman ang “Dukot” na talagang naglalantad ng kabulukan ng sistemang militar sa mga aktibista at mga nakikipaglaban sa mga karapatang pantao. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply