Maagang putukan: Biktima, lumobo na

DI PA man sumasapit ang pagsalubong sa Bagong Taon, lumobo na sa 155 ang naitalang biktima ng firecracker-related injuries, karamihan sa kanila ay bata, ayon sa Deparment of Health (DOH) nitong Lunes.

Ang nasabing bilang ng mga sakuna nitong December 27 ay mas mataas ng 54 o 53 porsyento sa naitalang injuries sa parehong panahon sa mga taong 2005 hanggang 2009.

Sa kabuuan, 145 kaso (93 percent) ang nasugatan dahil sa paputok; anim (4 percent) ang nasugatan dahil sa ligaw na bala; at apat naman (3 percent) ang naapektuhan ng fireworks ingestion.

Isa sa mga biktima ang nasawi matapos na sadyaing uminom ng piccolo powder.

Ang mga nasugatan ay nagkaka-edad ng isa hanggang 55 taon.

Ang age group na pinakaapektado (44 percent) ay mga batang nasa pagitan ng isa hanggang 10 taong gulang.

Naitala naman ang 41 porsiyento ng mga sugatan sa National Capital Region.

Nananatiling ang piccolo ang pangunahing dahilan ng firecracker-related injuries.

Umabot na sa 70 kaso o 48 porsiyento ang sakuna dahil sa piccolo.

Ang 13 sa mga nasugatan ay naputulan ng daliri o kamay habang ang 24 naman ay nasugatan sa mata.

Ang 81 porsyento sa mga kaso ay sanhi ng illegal fireworks, tulad ng piccolo (70 cases o 48 percent).

Ang 23 biktima (16 percent) ay nasugatan matapos na gumamit ng paputok habang sila ay nasa ilalim ng impluwensiya ng alkohol.

Nagkaka-edad naman ng 11 hanggang 29-taong gulang ang tinamaan ng ligaw na bala kung saan lima sa mga ito ang lalaki.

Tatlo sa insidente ng ligaw na bala ang naganap mismo sa mga tahanan ng biktima.

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang mga insidente kaugnay ng stray bullets.

Samantala, humingi ng tulong ang DOH sa mga pahayagan at mga istasyon ng radyo at telebisyon sa pananawagan sa taumbayan na huwag magpaputok upang maiwasan ang sakuna.

Sinabi ni DOH Secretary Enrique Ona na mas magiging epektibo ang programa ng kagawaran kung makatutulong ang media sa pagpapalaganap sa publiko ng kaalaman hinggil sa pagbabawal ng paggamit ng paputok.

Malaki aniya ang impluwensya ng media sa publiko sa gitna ng patuloy na pagbebenta ng mga paputok sa mga pamilihan gayong mahigpit itong ipinagbabawal.

Una nang naglabas ang DOH ng listahan ng mga ipinagbabawal na mga paputok, na kinabibilangan ng Piccolo, Pla-Pla, 5-star, Atomic Bomb, Triangulo, Super Lolo, Boga at Watusi.

Umaasa rin ang DOH na makakatulong sa kampanya ang paglalagay ng streamers, tarpaulin o poster sa iba’t ibang pampubliko at matataong lugar tulad ng Light Rail Transit at Metro Rail Transit, shopping malls at terminals. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply