Magandang araw, QC Mayor Bistek at Gen. Mantele!

TAMA lang na magbigay-pugay muna ako sa inyong dalawa bago ko kayo ratsadahin sa espasyong ito.

Hindi raw natitinag iyang mga iligalista diyan sa Quezon City dahil ganito pala ang situwasyon!

Kaya pala araw-araw ay nagpipiyesta ang mga animal na illegal gambling lords ay dahil sa taglay na koneksyon at “relasyon” ng mga ito sa dalawang tao na “hinding-hindi  daw kailanman puwedeng pahindian” nitong si QC Mayor Herbert “Bistek” Bautista.

Tumpak, mga katoto! Kahit pormal at mayamang lungsod ang Quezon City ay hindi rin ito nakaligtas sa mga iligalista. Hindi lang natin alam kung nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan si Mayor Bistek. Sana’y
kasi siya sa ganoon dahil aktor ang mayor.

Sino naman itong dalawang itlog na ka-tsokaran at hindi mapahindian ni Mayor?

Ayon sa impormante natin, mas maganda daw kung tatawagin na lang ang mga ito sa mga alyas na “Papa Mayor” at “Alan V.”

Sila ang kontak at kausap nitong sina Boyet Kalabaw (katukayo ko pa ang ungas), Ver Bicol, Rolex 88 at Lito Motor, ang mga pinansyer sa kasalukuyan ng sugal na lotteng sa buong lugar ng Quezon City.

Kaya wala raw takot ang mga ito kay Mayor Bistek at kahit kay PNP chief General Raul Bacalzo dahil nakatimbre sila sa opisina ng mga nito at maging sa buong operating units ng Quezon City Police District (QCPD) at Camp Crame. Ganon pala ha?

Ang tanging kinatatakutan lang daw ng mga ungas na ito ay ang tamaan sila ng mga mananaya ng malaking
halaga ng taya!

Ano naman kaya ang masasabi dito ni Chief Supt. Benjardi Mantele, ang director ng QCPD? Payag kaya siya na kaladkarin ng mga gambling lords ang pangalan niya gayung heneral na siya?  O baka naman magbibingi-bingihan o magbubulag-bulagan na rin siya katulad ng artistang si Mayor Bistek?

Sakaling hindi umaksyon si General Mantele laban sa illegal gambling sa kanyang lugar, maaaring mangahulugan ito na kasabwat siya ng mga gambling lords, tumpak ba mga katoto? Milyun-milyon daw kasi ang kinikita kada buwan ng mga gambling lords sa Quezon City.

Mayor Bistek, General Mantele, hindi ako hihinto sa kauupak sa inyong dalawa hangga’t hindi n’yo napapahinto ang operasyon ng ILIGAL NA SUGAL diyan sa lungsod n’yo!

Para malaman n’yo pa, nariyan din sa paligid n’yong dalawa ang mga video karera machines nitong sina Renel at Dakne. Puro menor-de-edad na estudyante ang nabibiktima ng mga ito, base ‘yan sa sumbong sa akin.

Hindi lang ‘yan! Nandiyan din sa paligid n’yo ang mga kubrador at kabo nitong sina Perry M., Eddie C. at Tepang, na bumabangka naman ng sugal na “Basketball 38” – na ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) director General Nicanor Bartolome ay hindi daw jueteng kundi isang sugal na hango sa palaro ng Pagcor.

Kamakailan kasi ay nagsagawa ng raid ang mga tauhan ni General Bartolome sa area mismo ni General Mantele at nahuli ang mga personnel ng nasabing sugal. Agad na ikinanta naman ng mga nahuli itong sina Perry M., Eddie C. at Tepang bilang mga pinansyer nila.

Akalain mo ba namang ipaliwanag sa media ni Gen. Bartolome na wala daw opisyal ng QCPD ang sasabit sa “One-Strike” policy ni PNP Chief Raul Bacalzo dahil hindi nga daw jueteng ang pasugal nitong sina Perry M., Eddie C. at Tepang kundi sugal na ginaya lang sa Pagcor. Hik, hik, hik!

Susmaryosep, para saan ba talaga ang “One-Strike” policy ni PNP chief Bacalzo? Para sa lahat ba ng uri ng illegal gambling o jueteng lang? Eh, samantalang ang dali-daling gawan ng panibagong anyo ang jueteng.

Kaya nga nagkalat sa Metro Manila ang operasyon ng “Virtual 2” at “Easy 2” na walang ipinag-iba din sa jueteng dahil may mga kabo at kubrador na nangangalap ng taya bawat bahay sa kada barangay ng lungsod o munisipalidad.

Ganyan din sa lotteng nina Boyet Kalabaw, Ver Bicol, Rolex 88 at Lito Motor, at sa “Basketball 38” nina Perry M. Eddie C. at Tepang na mukhang nakakuha rin ng padrino sa NCRPO at QCPD.

Ang pang-ultimatum na tanong: Magkano ang tinatanggap n’yong suhol mula sa nabanggit kong mga gambling lords sa Quezon City? (Kung wala naman, eh di hulihin at pahintuin n’yo sila. Tapos ang usapan!)

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Basahin ang buong artikulo sa www.remate.ph. Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply