Manunubang taxi drivers dapat parusahan – Revilla

MULING isinulong ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa mga drayber ng taksi na tumatangging magbigay ng eksaktong sukli sa pasahero.

Inihain ni Revilla ang Senate Bill No. 2491 o ang “Exact Fare Act” na naglalatag ng mga paraan sa pagsasampa ng reklamo at pagpaparusa sa mga manunubang taxi driver.

Ipinunto ng senador na maraming commuters ang mas gustong sumakay ng taksi lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan kung kailan pahirapan ang makasakay sa mga bus at dyipni. Ngunit, aniya, madalas mabiktima ang mga ito ng mga tiwali at mapagsamantalang taxi driver .

“Maraming taxi drivers ang ang sobrang maningil ngayong Kapaskuhan. Hindi lang mga Christmas shoppers at mall-goers ang kanilang binibiktima kundi maging mga balikbayan at mga turistang sumasakay mula sa airport,” aniya.

Hindi dapat samantalahin ng mga taxi driver ang pagiging mapera sa panahong ito ng mga empleyadong nakatanggap ng kanilang Christmas bonus at year-end benefits, ayon sa senador.

“Matatawag natin itong simpleng hold-up,” ayon sa senador. ”Kahit magkano ang halagang nakarehistro sa taxi meter, may mga taxi drivers ang awtomatikong sinisingil ang halagang ni-round off sa higher ten.”

Kinondena ni Revilla ang mga drayber na hindi nagbibigay ng eksaktong sukli. ”Ang karaniwang sagot ay wala silang barya o unang biyahe pa lang nila.”

Base sa panukala, pagmumultahin ng P750 ang mga taxi driver na hindi nagbababa ng metro o nangongontrata at 45 araw na suspensyon ng lisensiya.

Ang mga taxi driver naman na mambabastos ng mga pasahero ay pagmumultahin ng P500 at masususpinde ng dalawang buwan ang lisensiya.

Pagmumultahin naman ng P1,500 ang sinumang taxi driver na tatangging magsakay, bukod pa sa dalawang buwang suspensyon ng kanynag lisensiya.

Kung alam o may pahintulot ng operator ang gawaing ito, sususpendihin ang rehistro ng taxi mismo.

“Ilang batas at ordinansa na ang pinagtibay para isulong ang kaligtasan ng mga commuter papunta at mula sa kanilang destinasyon. Pero wala pa tayong batas na talagang tumutugon sa pagkakait ng mga taxi drivers ng sukli,” ani Revilla. Ernie Reyes

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply