Maralita sumugod sa NFA

Sumugod ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa tanggapan ng National Food Authority sa Quezon City upang kundenahin ang pagtaas ng presyo ng NFA rice mula P25 tungo P27, at binatikos ang ahensya at administrasyong Aquino sa anila’y “panloloko” sa taumbayan.
“Hindi ba’t kalokohan ito? Ngayon umiiyak si [NFA Administrator Lito] Banayo na kesyo magkaka-shortage daw tayo sa bigas kapag hindi nagtaas ang presyo, pero sino ba ang nagkaltas ng malaking budget sa NFA? Hindi ba’t ang boss n’yang si P-Noy? Unang panukala pa nga zero-budget,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo.
Sa naunang pahayag ni Banayo, kinakailangan umano ang pagtaas upang panatilihin ang patuloy na suporta sa mga magsasaka at matiyak ang sapat na suplay ng bigas. Subalit ang dapat singilin dito ay ang administrasyong Aquino na naglaan lamang ng P2.5 bilyon sa NFA, ayon sa grupo, sa halip na ipasa ang pagkagipit ng ahensya sa mga mamimili.
“Noon pa man nananawagan na tayong huwag kaltasan ang budget ng NFA, sa halip dagdagan pa nga. Ngayon kami naman ang lalong pahihirapan sa ‘di nila pakikinig noon.”
Dagdag pa anila, tiyak na magsusunuran na ang pagtaas ng presyo ng commercial rice sa mga pamilihan. “Mahalaga ang NFA rice ‘di lamang upang direktang mabili ng mga mahihirap, kundi bilang price-control mechanism sa merkado,” ani Badion.
Una nang ipinanawagan ng Kadamay na ibalik sa dating presyong P18.25 kada kilo ang NFA rice, bilang tugon sa malalang kagutuman sa bansa. Sa huling tala ng SWS, 15.9% o 3 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom noong ikatlong kwarto ng 2010, at palagian na umanong nasa double-digits ang antas ng kagutuman mula pa noong 2004.
“Ito na mismo ‘yung sinasabi natin noon pa. Binuhusan ng budget ‘yung diumano’y pro-poor program nila na conditional cash transfers (CCT), pero kinaltasan naman ‘yung mga serbisyong mas kailangan ng mga mahihirap, kabilang na itong bigas, edukasyon, pabahay,” ani Badion. “At nagbabala na rin tayo na hindi naman talaga makakatulong ang CCT. Saan na tayo hahantong nito?” D’Jay Lazaro

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply