Masarap iyapak ang hubad na paa

Sa magkakrus na mga kalye
ng via pescara at via firenze
mansiyon, tulad sa forbes
at alabang-ayala
mga bahay na naghilera
parang dambuhalang kabaong
walang laman
pagngiti ng giniginaw na umaga
naglakbay ang mga bangkay
hinigop ng mga buntala
idadahak, iluluwa pagpikit
ng matamlay na dapithapon
manlilisik malalaking bombilya
magpuprusisyong pabalik
nagliwaliw na mga bangkay
muling hihimlay
sa kabaong na naghihintay!
sa teritoryong iyon ng el diablo
di ko masalat ang buhay
nagkalat na parang layak
buhay na tuwinang namamatay
kahit muli’t muling nabubuhay
di makahalina sa ilong
halimuyak ng pierre cardin
o hugo boss at issey miyake
gusto pa ring masinghot
anghit sa kilikili
ng manggagawa’t magsasaka
sa lupang dinilig ng dugo’t luha
ng dantaong magiting na pakikibaka
di yakapin ang pandama
masangsang na karanasan ng masa
manapa’y robot at plastik sa lansangan
bumubulaga sa matang nilalanguyan
ng sanlaksang mapapait na alaala!
magneto ngayon ang hangin ng ipuipo
buong lakas na binabatak
paang naglagalag
pabalik sa nilisang la tierra pobreza
paang pinaglintos ng kuwerong sapatos
sa pagtahak sa nagsalabat na kalsada
mga lansangang walang simula’t wakas
di gaya ng estupidong buhay
na tiyak na mamamatay…
paang niluom ng hinulmang goma
sa paglusong-ahon
sa lupaing matatambok
sa mga burol na mauumbok.
masarap iyapak ngayon
ang hubad na paa
pagbalik sa la tierra pobreza
sa malagkit na tiningkal
ng naararong sangkal
sa nagpuputik na pilapil
sa kabukirang dinilig
ng humagulhol na ulan
masarap isudsod
sa mahamog na damuhan
o sa sukal ng tubuhan
masarap pa ring iyapak
ang hubad na paa
paglaruin sa langis at grasa
isinuka, ibinuga ng mga makina
sa mga pabrika
masarap iyapak
ang hubad na paa
sa humihingang lansangan
sa init ng katanghalian
sa martsa ng mga protesta
laban sa inhustisya’t dusa
masarap iyapak
ang hubad na paa
sa gubat at bundok
sa nayon at lungsod
sa lupaing luha’y bumabalong
sa lupaing dinidilig ng dugo
itinitigis ng ugat ng mga mandirigma
ng laya’t ligaya
para sa dinustang buhay ng masa
oo, lagi’t laging naroroon
ang himagsik ng puso
sa dibdib ng buhay
oo, madarama ng hubad na paa
nakaukit na testamento’t muhon
sa saganang minahan
ng mga brilyanteng katotohanan! Rogelio Ordoñez

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply