Mga paputok sa kapaskuhan pupuwedeng gamitin ng mga terorista

HINDI malayong gamitin ng mga terorista ang mga paputok sa Kapaskuhan para sa kanilang pakikidigma laban sa pamahalaan at pagpatay sa mamamayan.

Bagama’t malayong mas malalakas ang pangmilitar at pangpulis na mga bomba na karaniwang ginagamit sa giyera ng mga terorista, ang mga paputok sa Kapaskuhan ay pupuwede namang gawin na kasinglakas ng mga ito.

Maalaala pa ba ninyo, Suki, ang gusali sa Bulacan na sumabog sa paputok bago ang Kapaskuhan? Parang binagsakan ng malalakas na bomba ni Uncle Sam sa Iraq.

Eh mga kuwitis at rebentador lang umano ang mga pumutok o sumabog.

Sa Trece Martirez, Cavite, naging impiyerno ang kapaligiran nang sumabog ang Star Maker na pabrika ng paputok noong Enero 30, 2009.
Walo katao ang namatay, pito ang missing na hindi na yata natagpuan pa at mahigit 30 ang nasugatan sa pabrika na naging malaking bomba sa pagsabog ng mga paputok.

Ganito katindi ang lakas ng mga paputok sa Kapaskuhan.

Kaya naman, habang  nagsasaya tayo para sa Pasko sa tulong ng mga paputok, hindi maalis-alis sa ating isipan ang naganap na pambobomba sa Sulu at bansang Pakistan kaugnay ng mga paputok.

Sa bayan ng Jolo, Sulu, nasa kalagitnaan ng misa ang mamamayan sa kapilya sa loob ng compound ng pulisya nang sumabog ang malakas na bomba.

Nasugatan ang 11 katao, kabilang na ang isang bagong pari na lumipad dahil sa impak ng pagsabog.

Sa Pakistan naman, kumpol-kumpol ang mga Pakistani sa pagtanggap ng kupon para sa rasyon ng pagkain nang pagbabatuhin sila ng granada ng isang babae.

Sumunod dito ang pagpapasabog ng bombera ng sarili mula sa malalakas na bombang nakakabit sa kanyang katawan. Mahigit 45 katao ang namatay habang nasa 60 katao ang nasugatan.

Naganap ang mga pam-bobomba sa mga lugar na parehong war zones.

Mga pulbura ng mga  bombang panggiyera ang pinaggagamit sa mga pangyayaring ito.

Pero dahil sa lakas din ng mga paputok sa Kapaskuhan, ano ang ipinagkaiba ng mga ito sa bombang panggiyera?

oOo

Dito natin naalaala, Suki, ang mga binibili at ibinibiyaheng mga paputok ngayong Kapaskuhan.

Bagama’t maaaring pansariling kasiyahan o kaya’y lehitimong negosyo para pagkakitaan ang mga paputok, kinukumpiska ang mga ito ng mga awtoridad.
Wataymen, kinukumpiska ang mga ito kung isinasakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng mga bus at dyipni, barko at eroplano.

Kahit pribado ang iyong sasakyan kung isasakay naman yan halimbawa sa Roro, kinukumpiska rin yata.

Kung iisipin, kildioy ang mga awtoridad.
Pero paano kung may mangyaring gaya ng pinangangambahan nila at ng iba tulad ng pagsabog ng mga paputok na ikalulubog ng barko, ikababagsak ng eroplano at ikasasabog ng mga bus at dyipni?

Grabe ang pinsala riyan.

Eh paano pa kung mga Abusayap ang bumili at magbiyahe ng mga paputok na yan at magdilim ang kanilang mga paningin?

Eh sila ang mga kawnterpart ng mga nagpapasabog o nambobomba sa Pakistan… at Afghanistan na rin.

Hindi basta tumatanggap ng pagkatalo ang mga ito lalo na kung winawayp awt sila ng pamahalaan sa halip na kausapin. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply