Mga tsiks ni Rizal

NGAYONG araw ginugunita ng bansa ang pagpatay kay Joey Rizal sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan, na ngayo’y mas kilala sa tawag na Luneta. Naasar kasi yung makapangyarihang mga prayle sa sinulat niyang mga nobela, ang “Noli Me Tangere” (Huwag Mo Akong Hipuan) at “El Filibusterismo” (Ang Pag-aalburoto).

Pero ang hinahangaan sa kanya ng mga kasama ko noon sa Saudi e ang pagiging “matinik niya sa tsiks.” Katunayan, isa sa kanila ang gumawa pa ng listahan ng mga bubae ng ating bida para – wala lang – gusto lang niyang patunayan na babaero itong ating bayani na kung tawagin nila ay “unang OFW.” Si Riz daw e “lumang bayani” at ang OFWs e “bagong bayani.” Natural, pag-aawayan pa natin ang puntong ito.

Bb. L: Sobra ang tanda ni “Binibining L” (hindi kamag-anak ni Sister Stella L) kesa kay Joey at pinaniniwalaang ito si Jacinta Ibardo Laza na dati niyang titser. Naunsyami ang pagnanasa ni Joey sa babae nang pagbawalan siya ng tatay niya. At dahil masunuring anak, itinigil niya ang “kabaliwang” iyon.

Leonor Rivera: Sino ang hindi nakakikilala kay Leonor Rivera, ang pinsan ng ating bida, na nagpasakit ng kalooban niya nang todo-todo?

Julia: Nakilala ito ni Joey noong disisais lang siya. Ayon sa kwento, naliligo si Hulya sa ilog. (Binosohan kaya siya ni idol? Nah! Hindi niya magagawa yun.) Humuli siya ng paru-paro para magpakitang gilas at ibinigay kay Huli kaya nagkakilala sila at nagligawan. Hmm, parang pelikula.

Segunda Katigbak: Paga-disisais din lang siya noon pero hindi niya pinagsabay sina Huli at Gunding. Ewan ko kung paano niya ginawa iyon pero iyan ang nasusulat. Si Gunding ang sinasabing “una” niyang pag-ibig. At una ring pagkabigo.

Leonor Valenzuela: Kasingtangkad ito ni Joey at Orang ang palayaw niya, peks man. Kapitbahay siya ng tinutuluyan ni Ka Joey nung nag-aaral pa siya ng medisina sa Maynila.

Consuelo Ortega y Perez: Nakilala siya ni aydol sa Madrid. Tunay na walang takot sa height itong bida natin. Hindi siya nalulula sa tangkad at hindi rin maliwanag kung naging magsyota sila pero hinandugan niya ito ng tula na pinamagatan niyang “Sa iyo, Bb. C.O. y P.”

Seiko: Hindi ito relos o wallet. Binansagan siya ni Joey na O Sei San, huwag n’yo akong tanungin kung bakit. Nagkakilala sila sa Hapon nang minsang maligaw doon ang bida. Gusto na sanang tumira ni Joey sa Tokyo at pakasalan si Seiko. Pero malakas ang tawag ng misyon kay Joey at iniwan si Seiko kapalit ni Tag Heuer, este, para pumunta sa Europa.

Gertrude Beckett: Kulay asul ang mata. Anak ng kasera ni Joey. Naging magsyota sila pero masyadong bata ang disiotso-anyos na si Gettie para kay Joey.

Nellie Boustead: Naging magkaribal si Joey at Tonying Luna sa babaeng ito. Pero “matinik” nga si Joey, ano’ng magagawa natin? Nagkahiwalay sila dahil ayaw ni Joey na maging Protestante.

Josephine Bracken: Sino rin ang hindi nakakikilala sa babaeng ito na nakasama ni Joey hanggang sa huling sandali? Kahit may lahing puti, kasingtangkad lang ni Nora Aunor si Hosepina. Nagkaanak sila pero namatay din agad sa hindi malinaw na dahilan.

Meron pa siguro pero kailangan pa ng mas malalim na pananaliksik. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply