MIAA chief binatikos ni Nograles

BINATIKOS ni Davao City Congressman Karlo Alexei Nograles ang plano ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angelo Honrado na limitahan na lamang ang access ng mamamahayag sa lobby ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinondena ni Cong. Nograles si Honrado dahil sa nakahihiyang pang-aabuso nito sa kapangyarihan para sikilin ang karapatan ng mamamahayag na nagko-cover sa pambansang paliparan.

Ayon kay Nograles, ang aksiyon ni Honrado ay malinaw na paglabag sa “Freedom of the Press” at isang paraan upang pigilan ang media na maungkat at mabungkal ang mga impormasyon hinggil sa iba’t ibang ilegal na aktibidad na nagaganap sa airport.

“This is a violation of the freedom of the press. What’s even more disturbing is the fact that there are certain reports that Honrado had some involvement in the botched smuggling of high-powered firearms by a former high-ranking official while he was still a member of the Presidential Security Group under President Cory Aquino,” ani Nograles.

Kung magugunita, si Honrado na noon ay nasa Presidential Security Group ay tinangkang pigilan ang media sa pagkokober ng pagsamsam ng mga armas na ipupuslit sana ng isang dating Kongresista sa Ninoy Aquino International Airport noong 1989.

Gayunman, bigla na lamang nanahimik at naglaho si Honrado nang mabigong makontrol ang media.

Idinagdag pa ni Nograles na kung hindi dahil sa alerto ang mga mamamahayag noon ay maaaring naipuslit na ang mga armas.

Pinaalalahanan pa ni Nograles si Honrado na ang NAIA ay ang “bintana” ng Pilipinas sa mundo at ang pagtutok ng media rito ay malaking bagay sa pamahalaan para masawata ang mga abusado o tiwali sa paliparan. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply