Naabong pangarap sa kapalpakan ng bumbero at building inspector

SINIBAK ng mga kinauukulan ang hepe ng mga bumberosa Tuguegarao City, Cagayan kaugnay ng sunog sa isang gusali na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 12 iba pa.

Napakalaki kasing katanungan kung bakit nasa likod lang ng nasunog na gusali o may layong 100 metro lang ang istasyon ng bumbero ngunit hindi nito nakayanang apulahin ang sunog.

Malaking katanungan din kung bakit hindi ito nakatawag ng emergency na tulong mula sa iba pang mga lugar na may bumbero kaya naging siyam-siyam ang pag-apula sa sunog.Habang isinusulat natin ito, wala namang malinaw pang dahilan ng sunog.

Bagama’t may ulat na nagkaroon ng pagpatay-sindi ng suplay ng kuryente sa gusali bago ang sunog, hindi pa malinaw kung ano-ano ang naging depekto nito na naging sanhi ng apoy.

May nagsasabing maaaring galing sa isang krismas light na depektibo sa loob ng gusali ang sunog ngunit ito ba talaga ang dahilan, huh?

Sa tingin naman ng iba, kabilang na ang Bureau of Fire Protection, eh, polti elektrikal wayring ang
dahilan.

Kung ganun, ano ang nangyari sa mga taunang inspeksyon ng mga fire inspector sa mga gusali?

Nahokus-pokus?

Pero hindi lang ang mga bumbero ang dapat na silipan.

Kailangang isama rin ang mga building inspector.

Por eksampol, bakit may mga bakal na grill ang ilang labasan o bintana ng gusali na sagabal sa pagtakas ng mga tao sa oras ng sunog at emergency.

Bakit sa butas pa ng erkondisyon nakatakas ang ilan sa mga biktima, huh?

May hokus-pokus din ba sa bilding inspeksyon, huh?

oOo

Nakalulungkot ang trahedya na naganap sa Tuguegarao City.

Akalain ba nating naging abo ang pangarap ng siyam na nars at kanilang mga pamilya dahil sa sunog sa pinagtsek-inan nilang hotel, ang Bed and Breakfast Pension House.

Mag-eeksam na lang sana sila sa nasabing araw para maging ganap na nars at tagapag-alaga natin sa oras na tayo’y magkakasakit, eh, ginawa pa silang abo ng sunog.

Siyempre pa, nalulungkot din tayo, Suki, sa iba pang mga biktima, kabilang na ang isang kasambahay ng pamilyang may-ari ng pension house.

Huwag na nating isipin ang Pasko.

Kapaskuhan man o hindi, talaga namang labis na kalungkutan ang ating nadarama para sa kanila. Condolence po sa inyo lahat.

May ispesyal naman tayong wish sa mga nakaligtas na nursing board examinees.

Sa 36 na nagtsek-in sa hotel, 27 ang nakaligtas at sa kabila ng kanilang nakapangingilabot na karanasan, sumali pa rin sila sa pagsusulit.

Hindi naging sagabal sa kanila ang kamatayang dumating at ang kawalan ng tamang damit sa kanilang pagkuha ng pagsusulit.

Heto ang wish natin sa kanila: sana’y papasa sila nang dala-dala ang alaala ng trahedya.

Dadalhin sana nila ang trahedya bilang gabay sa kanilang propesyon.

Sa kamatayan at buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, sa emergency at normal na buhay, sana’y magiging matapat silang lahat sa kanilang tungkulin na maglingkod sa sambayanan.

Pero ang wish natin sa mga onorabol na nagkulang o lumapastangan sa tungkulin nilang gawing ligtas sa sunog ang mamamayan, eh, maiitapon silang lahat sa impiyerno.

Ito’y para maranasan din nila ang masunog at maabo. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply