Namihasa sa gahasa

NANGGAGALAITI ang mga tauhan ng konsulado sa Jeddah, Saudi Arabia sa isang Pinay na nagsinungaling umano na ginahasa siya ng amo.

Nagpakahirap nga naman silang “iligtas” ang ale – sa halip na painom-inom lang sila ng tsaa sa malamig nilang opisina nang nakataas ang paa at paidlip-idlip tuwing oras ng dasal – at ito pa ang igaganti sa kanila?

Balita sa buong kaharian sa Gitnang Silangan at dito sa Pinas ang pag-amin ng isang Pinay DH na nagsinungaling umano siya nang akusahan ang amo ng paulit-ulit na panggagahasa sa kanya.

Nagawa lang daw niya iyon dahil gusto niyang umalis sa “impyernong” lugar na iyon dahil hindi siya pinakakain at pinasusweldo ng among Saudi. Nag-sori naman ang kawawang Pinay pero huli na ang lahat.

Agad siyang hinusgahan ng lahat, pati mga kalahing Pinoy na naeskandalo umano sa malaking “kahihiyang” ito.

Kaliwa’t kanan ang banat sa kanya sa Internet ng mga “nabastos” na kababayan.

Bakit hindi iinit ang ulo ni kabayan; kay ganda-ganda ng imahe ng Pilipinas – kaya nga may nakaisip na “Pilipinas Kay Ganda” ang gamiting islogan – at kay macho-macho ng mga poging Pinoy sa Saudi, tapos heto ang isang katulong at sisirain ang kanilang diskarte? Isang malaking kalapastanganan!

Iyan ang problema sa mga nauuna ang init ng ulo. Kung minsan nakalilimutan nating mag-isip nang maayos.

Bago ba sa karanasan natin na bumabaliktad ang isang ginahasang nilalang hindi dahil sinungaling siya kundi dahil mas malaking problema ang kakaharapin niya? Nakalimutan na ba natin si Nicole?

Natira ako ng mahigit sampung taon sa Jeddah at may mga napanood na ako roon na babaeng ginahasa pero sa bandang huli ay sila pa ang nakulong at napipilitan pang humingi ng patawad sa amo na gumahasa sa kanya para lamang hindi siya mapugutan o para makauwi na sa Pinas.

Hindi ba napakasakit noon na ginahasa ka na’t lahat at sa halip na mag-“thank you” man lamang ang gumahasa sa iyo, ikaw pa ang hihingi ng tawad? (At hindi lang sa Pinay nangyayari ito kundi pati rin sa Pinoy.)

Ito ang dapat nasa isip ng mga tauhan ng konsulado. Sa halip na bigla silang matuwa at nabawasan ang trabaho (mahirap yatang maghabol ng Saudi nanggagahasa ng katulong) dapat pinaeksamin nila ang babae para mapatunayan kung ginahasa nga siya. Huwag silang manalig sa salita lamang. Kahit nung mismong “nagsinungaling.”

At kahit na hindi siya ginahasa, hindi ba balidong reklamo rin ang hindi siya pinakakain at pinasusweldo?
Maaaring sinabi niyang ginahasa siya dahil karaniwan naman sa Saudi ang katulong na hindi pinapasweldo at hindi pinakakain. Mas malaki ang tsansang pansinin siya ng konsulado kung “pabibigatin” niya ang kondisyon.

Walang iniwan ito sa pagsigaw ng “sunog!” kapag ginagahasa dahil siguradong magugulantang ang mga kapitbahay. Hernan Melencio

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply