Nasaan ang pera ng PCSO Margie Juico? – Morato

“MARAMI na pong pinatay ang PCSO ngayon since the new Chairman Margie Juico was appointed six months ago,” ayon kay Manoling Morato, dating miyembro ng board of directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Sa isang sulat kay Remate Tonight editor-in-chief Joe Torres, ibinunyag ni Morato na lahat ng mga batang may sakit sa atay na tinulungan ng PCSO sa ilalim ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay pawang nakaligtas sa tiyak na kamatayan.

“Sa dami na pong pasiyente na may Biliary Atresia (sakit sa atay) na natulungan ng PCSO, lahat po ay ipinadala sa Changung Hospital sa Taipei ay buhay po silang lahat,” ani Morato.  “One hundred percent po ang success ng liver transplant surgery sa Taipei, Taiwan.”

Kaya’t sinabi nitong, “Kung hindi po sana kinansela ni PCSO Chairman Juico ang tulong na P1 milyon sa batang si Jesus Raphael Catiis, sigurado pong buhay pa ang bata ngayon.”

Kahapon ay inilathala ng Remate Tonight ang pagkamatay ng sanggol na si Jesus Raphael Catiis dahil sa pagtanggi ng PCSO na ilabas ang kontribusyon nitong P1 milyon sa kabuuang P4.5-milyon gastusin sa operasyon sa Taiwan.

Ipinaliwanag ni Morato na kabilang siya sa board of directors ng PCSO na nag-apruba na magbigay ng P1 milyon sa mga benepisyaryong may malalang karamdaman.

“Sa panahon po ni Presidente (Fidel) Ramos at ni Presidente Gloria (Macapagal Arroyo), P1 milyon po ang maximum assistance bawat pasiyente na may sakit and needs heart transplant, kidney transplant, liver, brain surgery, chemotherapy at marami pang ibang sakit,” ayon kay Morato.

Pagpapatuloy ng dating opisyal ng ahensya: “Pero ngayon po, binawasan ni Chairman Margie Juico. Ang maximum PCSO assistance ay ipinako sa P20 thousand na lang.”

“Sino naman pong mabubuhay sa amount na ‘yan sa panahon ngayon,”
tanong ni Morato.

Nagtataka umano si Morato kung bakit tinitipid ng PCSO sa ilalim ng administrasyong Aquino ang pondo nitong dapat sana’y ipinagtutulong sa mahihirap na mamamayan.

“Sa bilyon-bilyong kinikita ng PCSO sa lotto, sa dami pong pasiyente na tinutulungan namin sa panahon ni Presidente Gloria, ni hindi pa po umabot sa 25% ng Charity Fund ang naipamigay naming tulong sa may mga sakit,” aniya.

Aniya pa: “Kaya po hindi ko maintindihan kung bakit nagtitipid ang PCSO ngayon. Saan nila ginagamit ang pera?”

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply