National Artist award, dapat ibigay kay Dolphy

HINDI tayo personal na malapit kay Dolphy at lalo din na hindi niya tayo kilala!

Nakikita lang natin siya kung maimbitahan tayo – at madalang ito — na dumalo sa kanyang presscon. Kasi napaliligiran din siya siyempre ng mga pinagkakatiwalaan niyang mga tauhan o sipsip, at kung hindi kilala, sorry ka na lang! Natural lang ito sa showbiz at kahit ano mang uri ng kapisanan o propesyon.

Ngunit ang punto natin ay dapat nang ibigay ng Malacanang ang pinakamataas na parangal sa isang artista – ang National Artist Award, at noon pa sana ito iginawad sa kanya.

Kung minsan hindi natin maintindihan kung ano ang mga regulasyon o batayan para ang isang artista na katulad ni Dolphy para  maibigay na sa kanya ang National Artist Award.

Ano pa ba kaya ang mga testimonial o katibayan na dapat i-submit sa Palasyo? Nandiyan pa si Dophy, buhay na buhay at wala pang makakapantay sa kanya bilang isang komedyante sa pelikula at pati rin sa entablado. King of Comedy nga ang tawag sa kanya. Hindi imbento ng media ito kundi natural na umusbong at dahil diyan ang titulo ay dapat nang ibigay kay Dolphy.

Alam ba ninyo kung bakit hindi nabibigyan ng dapat na parangal si Dolphy at mga iba na karapat-dapat din na tatanggap ng National Artist Award?

Sa aming paniwala, dalawa ang dahilan.

Una, political consideration. Kung hindi ka malapit sa Palasyo, sorry ka na lang! Lalo kung nagkataon na iba ang kulay ng iyong T-shirt.

Pangalawa, nandiyan ang mga grupo, na ang tawag nila sa kanilang sarili ay mga “elite” sa arts, at kung hindi ka ka-grupo, sorry ka na lang hindi ka nila iboboto. Ang tawag pa sa kanilang sarili ay “literatti.” Nakakahiya ito! Kailan pa ba sila nagkaroon ng mga obra maestra o masterpieces na mataas ang impact sa mga mamamayan? Kung minsan pa nga pinipilit kang bumili ng kopya ng kanilang libro, o kung hindi man ay bibigyan ka na lang ng kopya!

Impact o epekto ang dapat natin pag-uusapan sa pagpili ng awardee para sa National Artist. Si Dolphy?

Walang Pilipino na hindi kilala si Dolphy, at lahat sila ay napaligaya ni Dolphy sa paraan ng kanyang mga pelikula. At ‘yung mga “elite” kaya o “literatti,” ano naman kaya ang nagawa nila para magbigay na ikakatuwa ng karamihan?

Ang “art” o “arts” po ay above politics. Nakikilala ito sa epekto sa karamihan, hindi sa isang maliit na grupo na para makapanood ng sine ay hihinga pa ng passes sa iyo.

Nakakahiya talaga!

Sa kasalukuyang 36th Metro Manila Film Festival (MMFF), pinarangalan si Dolphy ng “Best Actor” para sa kanyang pelikulang “Father Jejemon,” at “Best Supporting Actor” sa pelikulang “Rosario.”

Gusto nating idagdag na ‘yong mga tao na nagkakalat ng tsismis na si Dolphy ay ginawaran ng “Best Actor” ay dahil naawa daw ang mga board of jurors sa kanya dahil matanda na si Dolphy, sakitin pa at baka yong “Father Jejemon” ay ang kanyang huling pelikula, huminto na sana ang nagkakalat ng tsismis na ito dahil walang mabuting ibubunga ang kanilang ginagawa. Ang pag-arte ay walang kinikilalang edad.

Ang panawagan natin sa Palasyo ay ibigay na kay Dolphy ang National Artist Award! Nardz Belen

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply