NPA nagdeklara ng tigil putukan sa mga lugar na apektado ng pagputok ng Bulkang Bulusan

IDINEKLARA ng New People’s Army Celso Minguez Command  ang  pansamantalang tigil putukan sa mga lugar na saklaw ng 10-kilometrong radyus mula sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Ayon kay  Gregorio “Ka Greg” Bañares, Tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippinnes(NDF) Bicol, magkakabisa ang tigil putukan na nagsimula noong Nobyembre 22, hanggang sa tuluyan nang alisin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alerto ng panganib ng bulkan.

Gayunpaman, nilinaw ng rebeldeng grupo na ” nakahandang itong ipagtanggol ang sarili laban sa patraydor na pag-atake ng mga tropa ng AFP-PNP-CAFGU.”

Paliwanag ni Bañares: ” Bahagi ito ng patakaran ng aktibong pagdidepensa ng mga rebolusyonaryong pwersa lalupa’t napatunayan na sa maraming pagkakataon sa nakaraan na hindi iginagalang ng AFP/PNP kahit ang sarili nilang deklarasyon ng “suspension of offensive military/police operations” (SOMO/SOPO) at patuloy na nagsasagawa ng mga operasyong militar sa tabing ng “humanitarian mission” at “disaster operation”.

Ayon sa Celso Minguez Command, layunin ng pansamantalang tigil putukan  na bigyan ng pagpahalaga  ang pagsisikap ng iba’t ibang sektor at organisasyon ng mamamayan na pangalagaan ang buhay, kabuhayan, at mga ari-arian ng mamamayang apektado ng pagputok ng Bulkang Bulusan.

Umaabot na sa daan-daang mga pamilya ang inilikas sa mga evacuation center dahil sa panganib ng pagragasa ng putik at baha, at marami pang iba ang tuwiran at di-tuwirang apektado ng pagbagsak ng makapal na abo sa kanilang mga pananim, fishpond, bahay at iba pa.

Nanawagan ang NDF-Bicol ang iba’t ibang sektor, grupo, at organisasyong makatao sa loob at labas ng bansa na mangalap ng anumang kakayaning tulong para sa mamamayang apektado ng pagputok ng Bulkang Bulusan tulad ng mga gamot, pagkain at inuming tubig, damit, kagamitan sa pagtulog at iba pa.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply