Oo, Binyang, merong Santa Klaws

TAUN-TAON, may mga batang nagtatanong kung meron ba talagang Santa Klaws. Katunayan, may isang walong taong gulang na batang sumikat sa Amerika mahigit sandaang taon na ang nakararaan dahil lamang itinanong niya sa dyaryo kung totoo bang may Santa Klaws.

Natural, sasabihin sa kanya ng dyaryo na meron. Walang matinong pahayagan ang maaatim na maging killjoy at sabihin sa isang batang hindi totoo si Santa. Agad sumikat ang katagang “Yes, Virginia, there is a Santa Claus” na sagot ng The Sun ng New York sa tanong ni Virginia O’Hanlon noong 1897 sa isang editoryal.

Syempre may halong drama at pambobola ang editoryal pero kumbinsing naman ito, ’ika nga. At mula noon, naging bahagi na ng alamat ng Pasko ang naturang editoryal kasabay ng muling paglabas ni Santa Klaws.

Nanatili ring naniniwala si Virgie kay Santa hanggang mamatay noong 1971 sa gulang na 82.

Ang totoo niyan, hindi naman kelangang maghabi ng kung anu-anong kaek-ekan ang sumulat ng editoryal. Hindi na niya kelangang sabihing tulad ng diwata si Santa na dapat paniwalaan kahit hindi nakikita. Dahil totoo namang umiral si Santa Klaws sa tunay na buhay. Hindi nga lang sa anyong kilala natin ngayon.

Syempre alam na ng lahat na si Santa Klaws e si San Nicolas. Parang Saint Elmo’s fire na kalaunan e naging santelmo na lamang.

Hindi bading si Santa Klaws kahit Santa ang pangalan niya. Santo talaga siya at hindi santa. Kaso sa mga Kano, walang kaibahan ang santo at santa. Nung unang labas nga niya sa Christmas card e Sante Claus pa ang tawag sa kanya.

Bago pa siya maging Santa Claus sa Amerika, kilala na si San Nicolas sa Europa at iba pang parte ng mundo bilang patron ng halos lahat ng klase ng mga Kristyano, partikular ng mga bata, magdaragat at sundalo. Pero batay sa mga alamat at kwentong nagpasalin-salin sa malalayong lugar at mahabang panahon ang kasikatan niya. Naghalo ang kababalaghan at realidad, at ang imaheng tumimo sa isip ng mga taong nananalig sa kanya ay isang nilalang na laging masaya at namimigay ng regalo.

Ipinanganak siya noong ikaapat na siglo sa isang mayamang pamilya sa Turkey at naging obispo. Ayon sa isang kwento, maaga siyang naulila at ginamit ang namanang kayamanan sa pagtulong sa nangangailangan.

Namatay siya noong Disyembre 6, 343. Ipinagdiriwang ang Disyembre 6 bilang Saint Nicholas Day. Pero nung naging Santa Klaws na siya, Disyembre 25 na rin ang araw niya.

Payat talaga si Saint Nick pero hindi tayp ng mga Kano, lalo na nung mga Protestanteng unang nanirahan sa Estados Unidos, na ganun ang santong nagpapasaya sa mga bata. Isa siyang lolo na laging nang-iispoil ng mga apo at malakas tumawa.

Noon pa man e nagrereklamo na ang simbahang Katolika kay Santa dahil inilalayo umano niya ang atensyon sa tunay na may bertdey sa araw ng Pasko. Kaso nariyan na iyan, at tulad ng sugal at iba pang bisyo, pikit-matang hinahayaan na lamang ito ng simbahan. Ang mahalaga e masaya ang mga bata – at matanda –sa araw ng Pasko.

At iyan, Birhinya, ang kwento ni Santa Klaws. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply