Paalam, mga boss Arnold P. at Mars V.

KAMAKALAWA at kahapon, namaalam ang dalawang boss ko sa industriya.

Sina Mars Valenzuela at Arnold Pajaron.

Namaalam kamakalawa ng gabi si Boss Mars sa kanyang tahanan sa Mandaluyong City.

Pumanaw naman si Boss Arnold kahapon ng tanghali habang naka-confine pa siya sa Chinese General Hospital, Manila.

Nagkasakit si Boss Mars ng kanser sa lalamunan at na-confine muna siya ng kung ilang araw sa Philippine General Hospital, Maynila.

Nang alam na niyang wala nang silbi ang panggagamot sa kanya, siya na mismo ang nag-discharge ng kanyang sarili at mag-antay sa kanilang tahanan ng kanyang huling araw.

May naiwan siyang ilang anak na alagain pa.

Itong si Boss Arnold naman ay nahulog sa motorsiklo nang may iniwasang bato sa kalsada ang kanyang driver.

Nabagok ang kanyang ulo at na-comatose na siya hanggang sa inabot na siya ng kanyang tuluyang pamamahinga.

Itong dalawa ay kasama na natin simula pa nang tayo’y wala pang kamuwang-muwang sa industriya at isang struggling photographer.

Sina Boss Arnold at Boss Mars ay kabilang sa mga editor ng Remate Tonight na ating nadatnan nang magsimula tayo sa propesyong mediaman.

Sila ang boss ko.

Parehong simpleng tao kahit mga editor sina Boss Arnold at Boss Mars.

Naging kasama natin sila sa hirap at ginhawa sa buong panahon natin sa diyaryo.

Humiwalay ng landas si Boss Mars subalit patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa atin.

Kung iisipin ko nga, sila ang nagtiyaga na tumanggap sa mga litratong isinusumite ko para sa Remate Tonight noon.

Sila rin ang tumatanggap sa ating mga ulat nang subukin naman nating umangat sa pagdi-diaryo.

Kahit bali-baliko paminsan-minsan ang ating mga ulat, sila ang matiyagang nagtutuwid hanggang sa unti-unti nating natutunan kahit papaano ang buhay-reporter at photographer.

Maraming salamat at paalam, mga editor ko na sina Boss Arnold at Boss Mars.

Hindi natin sila malilimutan bilang kasama sa struggle para sa malayang pamamahayag.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply