Pambansang badyet ilaan higit sa bayan kaysa sa utang ng korap

SA palagay ninyo may patutunguhan ang buhay ni Juan sa mga panahong ito?

Op kors meron.

Hindi pupuwede yang walang pagbabago. Palaging may nagbabago pero maaaring masama o maganda.

Kung walang pagbabago, ewan ko na lang saang kamotehan tayo pupulutin.

Pinag-uusapan natin ang direksyon at pagbabago sa buhay ni Juan kaugnay ng salaping bayan.

Ngayon, Suki, maalaala pa ba ninyo ang pambansang badyet para sa taong ito?

Nagkakahalaga ng 1.541 trilyon. Ngunit alam ba ninyo kung magkano ang ipambabayad sa utang mula sa salaping ito?

Heto ang klu.

Mula lamang sa Enero hanggang Oktubre 2010, nakapaglabas na ang mga onorabol ng halagang P633.43B o higit na mas malaki sa P574.72 noong 2009.

Nasa P58.71B ang diperensiya.

Nasa P374.89B ang prinsipal samantalang nasa P258.53B ang interes.

Magkano ang kabuuang babayaran nina PNoy sa katapusan ng taon?

Tiyak namang aabot sa hukigit-kumulang kalahati ng pambansang badyet.

oOo

Silipin naman natin, Suki, ang badyet para sa 2011.

Magbabayad sina PNoy ng halagang P829.41B.

Ang babayarang prinsipal ay P462.13B at P367.28B para sa interes.

At ang kabuuang halaga ng badyet?

Mahigit sa P1.6 trilyon.

Nakikita ba ninyo, Suki, nakikita ko?

Tulad ngayong 2010, lalamunin din ng utang ang kalahati ng pambansang badyet.

Alam ba ninyo ang masakit dito?

Pati ang mga utang na puno ng kabalbalan o ko-rapsyon ay babayaran ni P-Noy.

Walang pagbabago. Hihihi!

oOo

Yung mga estudyante at propesor ay nagrarali dahil sa pagkaltas o pananatiling mababa ng kanilang badyet?

Ang walang kapararakang pagbabayad ng utang ang may sala, Suki.

Paano ka nga makapaglalagay ng sapat na pondo para sa milyon-milyong estudyante at eskuwela ng mga ito kung ibubuhos mo ang pondo sa pagbabayad ng utang, kahit marami sa mga utang ang puno ng katiwalian?\

Like mother like son din ba ang kalagayan ni PNoy?

Noong naging Pangulo si Tita Cory, nangako itong babayaran ng gobyerno ang lahat ng pagkakautang ng pamahalaan.

Alam ba ninyo kung magkano yung mga nakaw na utang o tinatawag na “behest loans o utang ng mga kroni noong Martial Law?

Umabot, Suki, sa P1.3 trilyon.

Nakaw na yaman din ang tawag sa behest loans na ito, Suki.

Tanong: Ganito rin ba ang ginagawa o patakaran ni PNoy?

oOo

Anim na taon, kung hindi mapalalayas sa Palasyo, si PNoy sa Palasya bilang bosing.

Kung wala itong magagawa sa paggamit ng salaping bayan para higit na mas malaki ang badyet para sa bayan kaysa para sa mga utang, duda tayo kung makapaghahatid siya ng pagbabago sa repablik ni Juan.

Hindi sapat ang malinis na pangalan at malinis na intensyon sa pangangasiwa, Suki.

Kailangan mong bigyan ng tamang direksyon ang salaping bayan upang magamit ito higit sa kapakanan ng bayan at hindi ng iilan.  Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply