Panawagan kay PNoy: Bureau of Customs, balasahin na!

KALIWA’T-KANAN pala ngayon ang ginagawang pagpapalusot ng kuwestiyunableng mga imported na kargamento sa halos lahat ng major ports na binabantayan ng Bureau of Customs.

Sinasamantala daw ang panahon na ito ng mga players (smugglers) dahil nagluwag daw si Customs Commissioner Lito Alvarez sa kanyang mga port collectors.

Ano ang ibig sabihin nito? Nagbigay si Alvarez ng “go-signal” para kumita ang mga smuggler at mga kolektor niya?

Pero hindi ba’t pag kumita ang mga port collectors ay nangangahulugan na kumita rin ang boss nila na walang iba kundi itong si Comm. Alvarez?

Hindi ito puwedeng ikaila ni Alvarez dahil sa port ng Cebu, Davao, Cagayan de Oro at General Santos ay halos nagkakagulo na ang mga brokers at customs examiners dahil sa tuloy-tuloy na daloy ng smuggling operations ng mga players.

Ang walang puknat na kargamentong dumarating ay kalimitang bigas, asukal, mga brand new na sasakyan mula Japan at Korea, general merchandise at ang walang katapusang ukay-ukay (used clothings).

Hindi ko pa binabanggit dito ang mga nagaganap diyan sa Port of Manila at sa Manila International Container Port (MICP) kung saan tila pamaskong handog sa mga kurap na opisyales ng BoC ang smuggling.

Mula buwan ng Setiyembre hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit sa 500 na 20-footer container vans na naglalaman ng bigas ang dumating sa Cebu at GenSan ports.

Misdeclared ang import entry documents ng mga kargamento bigas. Ibig sabihin, produkto sila ng technical smuggling kaya’t awtomatikong ipaho-hold ang mga ito para suma-ilalim sa 100 percent inspection

Pero balita ko, bago pa man mabuksan lahat ng naipa-hold na container vans ay marami na sa mga ito ang unti-unting nailalabas mula sa dalawang nasabing puerto.

Tumataginting na halagang P15,000 kada isang container van ng bigas at asukal ang dumadaloy sa bulsa ng mga kurap na opisyal ng BoC. He, he, he!

Kaya nga daw ngiting-aso lang sa isang tabi ang isang opisyal ng BoC.

Marami kasi sa kanyang mga kasamahan ang hindi nakakaalam na siya mismo ang nagpaparating ng mga bigas at asukal!

‘Yan ang katotohanan, di ba Atty. Lourdes Mangaoang?

Si Atty. Mangaoang daw ang dakilang hepe ng X-Ray Division ng Boc.

Ibig sabihin, lahat ng papasok na kargamento ay nakikita nila kung produkto ang mga ito ng smuggling o hindi.

Pero ano ang ibig sabihin kapag nakalalabas ng mga pier ang mga ipinuslit o smuggled na kalakal kagaya ng bigas at asukal?

Kaya ang panawagan ng lehitimong mga broker kay Pangulong Aquino ay buwagin muna pansamantala o kaya’y balasahin agad ang BoC.

May balita ako na diyan sa BoC nagmumula lahat ng paraan pati ang perang pinanggagastos ng mga kalaban sa pulitika para pabagsakin si PNoy.

Huwag dapat kalimutan ni PNoy na maraming appointees na inilagay diyan sa BoC itong nakaraang administrasyon ng mga Arroyo.

‘Yan nga ang dahilan kung bakit namayani ng husto ang mga smuggler sa pantalan!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply