Pari, target ng bomba sa Jolo?

ITINAPAT umano sa altar ng Sacred Heart Church sa Asturias sa Jolo, Sulu, ang bombang sumabog habang idinaraos ang Misa nitong Sabado ng umaga.

Umabot sa siyam ang sugatan sa naturang pagsabog kasama ang nagsasagawa ng misa na si Father Ricky Baculcol.

Sa panayam ng Radio Veritas nitong Sabado, sinabi ni Jolo, Sulu Bishop Angelito Lampon, na hinihinala ng mga imbestigador na dumaan sa likurang bahagi ng kapilya ang nagtanim ng bomba.

Inilagay umano ang bomba sa kisame sa tapat ng altar kaya nahagip si Father Baculcol. Tinatayang 100 katao umano ang dumalo sa Misa nang maganap ang pagsabog.

“Si Father Ricky Baculcol na aking inordinahan noong November 10 lang, siya ang main celebrant at isa rin sa mga nasugatan sa pagsabog,” pahayag ng obispo sa panayam ng nabanggit na himpilan ng radyo.

“Ngayon, habang binabasa niya ang gospel may sumabog na improvised explosive device. Malaki siya, bigger than a hand grenade. Doon inilagay sa atip ng altar ng simbahan, malapit sa choir at sa pagsabog, bumagsak ang roof ng aming simbahan so, marami ang nasugatan,” kuwento pa ng obispo.

Bukod kay Father Baculcol, nasugatan din sina Dr. Marian Lao, Joshua Quibang, 16, anyos, Emma Tan, 29; Antonette Quiñones, 30; Noel Indana, 33,; Johnny Chang, 50; Trishalan Carlos, 22; Rochelle Ann Carlos, 21; at Anna Marie Gerasul, 9-anyos.

Ikinalungkot ni Bishop Lampon ang naturang insidente na isinagawa sa mahalagang araw ng mga Kristiyano. Ipinagpasalamat din niya sa Diyos na walang namatay sa ginawang pag-atake.

“Nagreport naman kaagad sa akin kanina ang AFP, at inexplain nila sa akin ang nangyari. At it seems na parang umakyat doon sa likod, sa may mangga at umakyat doon sa bubungan ng aming simbahan at doon nga malapit sa altar inilagay ang pampasabog,” ayon sa obispo.

Bagaman mayorya ng populasyon sa lugar ay Muslim, ayaw ni Lampon na mag-isip ng motibo sa ginawang pagpapasabog sa loob ng kapilya at oras mismo ng misa.

“We can never tell what the motive is, dahil wala naman kaming ginagawa diyan,” ani Lampon. RT Monitoring

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply