Pasko sa disyerto

DALAWANG taon na ang nakalilipas simula nang bumalik ako sa Pinas mula sa Saudi.

Pinakiusapan ako ng amo ko noon na ipagpaliban ang pag-uwi ng isa o dalawang buwan dahil maraming nakabakasyong editor sa lalayasan kong diyaryo pero hindi ako pumayag. Pwede mong pakiusapan ang isang bilanggo na ipagpaliban muna ang paglaya ng isa o dalawang buwan pero hindi ang isang OFW na pauwi na.

Bakit hindi, e sa sampung taon ko roon isa o dalawang beses lamang na nakapagbakasyon ako ng Pasko. Wala sanang problema kung ang Pasko roon e katulad ng Pasko rito o kahit man lamang sa ibang lugar na nagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre.

Ipinagdiriwang ang Pasko kahit sa mga bansang Muslim pero hindi sa Saudi Arabia dahil ito ang sentro ng paniniwalang Islam. Naroon ang dalawang moske na pinakabanal sa relihiyon at binibisita lagi ng mga pilgrim na Muslim.

Kaya kahit pinayagan na ng Simbahang Katoliko na magtayo ng moske sa mismong Vatican, hindi ito masuklian ng mga Muslim sa pagpayag ding magtayo ng simbahan sa Saudi – kahit sa gilid-gilid lamang at hindi sa mga syudad ng Makkah at Madina na mga Muslim lamang ang pwedeng tumapak.

Hanggang pauwi na ako’y pinag-uusapan pa rin ang pagkakaroon ng mga simbahang Katoliko sa Saudi. Payag umano ang hari sa ideyang ito pero wala pang sinasabi ang Ummah (buong komunidad ng Muslim na kinakatawan ng mga iskolar at kilalang lider) kaya naniniwala akong hindi ito mangyayari sa malapit na hinaharap.

Pero kahit ipinagbabawal ng gobyerno ang hayagang pagdiriwang ng Pasko sa Saudi, malaki na rin ang ipinagbago ng pagtingin ng mga mamamayang Saudi sa mga Kristiyano. Alam nilang mahalaga ang Pasko sa mga Pinoy at Pinay, pinagbabakasyon o binibigyan nila ng day-off ang mga katulong at empleyado nila.

Noong una akong mapadpad doon, naglilibot ang mga muttawa o religious police at nanghuhuli ng mga Pinoy at Pinay na magkasama nang walang katibayang mag-asawa sila. Ngayon, bihira na silang magpakita sa mga mall at hindi na rin masyadong pumapasok sa mga restoran para manggulo ng mga kumakain.

Binabati na rin kami ng mga amo namin ng “Happy Christmas” na sinasagot namin ng “Merry New Year” at nagbibigay ng regalo.

Pero dahil hindi makapagdiwang nang hayagan, nagkakasya na lamang ang mga Pinoy sa pagsasalu-salo sa mga bahay-bahay. Maraming mga indoor party at may palitan din ng regalo para dun sa mga gustong namnamin ang diwa ng Pasko.

Ang natatandaan kong ginawa ko sa huling Pasko ko sa disyerto e nagpunta kami ng dalawa kong kasamahan sa apartment sa baybayin ng RedSea at nanood ng mga namamasyal habang kumakain ng pizza at umiinom ng softdrink.

Sinubukan naming hatiin ang Red Sea gaya nang sinasabi sa Bibliya na ginawa noon ni Moises, pero bigo kami.

Nagpahangin na lang kami nang kaunti, nakinig ng pamaskong kanta sa kotse, umuwi at natulog. Hernan Melencio

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply