PCSO mamamatay-bata

INAASAHAN na ng magulang ng 11-buwang sanggol na si Jesus Raphael Catiis ang medical assistance na ipinangako ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa kanilang anak.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay hindi nakuha ng ina ni Jesus Raphael ang pondong dati nang inaprubahan ng dating liderato ng ahensya sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Dapat sana’y buhay pa at nabigyang lunas ang karamdaman ng bata.
Kamakalawa dakong 11:35 ng gabi, binawian ng buhay sa Philippine General Hospital si Jesus Raphael.

Hindi na niya inabot ang kauna-unahan niyang kaarawan, na sana’y magdiriwang bukas, Disyembre 30.

Nabatid na nang mapalitan ang liderato ng PCSO matapos manalo sa halalan si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay kinansela na rin ng mga bagong liderato ng ahensya, sa pangunguna ni chairperson Margie Juico, ang mga inaprubahang pagtulong ng nakaraang board ni Pangulong Arroyo.

Ayon sa ina ng bata na nakilalang si Katherine Catiis, 24, ng Lerma St., Gagalangin, Tondo, nitong nakaraang Disyembre 13 ay isinugod nila ang kanyang anak sa PGH dahil sa kumplikasyon sa sakit nitong Biliary Atresia (isang karamdaman sa atay).

Magugunitang matagal nang humingi ng tulong si Ginang Catiis kay Benny Antiporda, dating pangulo ng National Press Club at presidente ngayon ng Alyansa ng Filipinong Mamamahayag (AFIMA), kung saan bukod sa personal na tulong ay inilapit din ito sa PCSO.

Kinailangang mangalap ng halagang P4.5 milyon ang nasabing pasyente para maisagawa ang liver transplant sa bansang Taiwan.

Nabatid na nakapangalap na ng halagang P3.5 milyon ang pamilya ng biktima sa tulong ng NPC at AFIMA. Hinihintay na lamang ng pamilya Catiis ang P1 milyon na inaprubahan ng PCSO.

Sa halip na tulungan ay pinagpasa-pasahan ang ina ng biktima sa PCSO.
Sa bandang huli ay hindi rin nakuha ang nasabing halagang ipinangako para sa batang binawian na nga ng buhay.

“Hanggang sa pagtulong ba ng PCSO ay pulitika pa rin ang paiiralin nila,” umiiyak na sambit ng ina ng batang nasawi. Rene Crisostomo

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply