Kuliglig drivers, nagpiket sa MPD headquarters

MATAPOS ang protestang isinagawa ng mga kuliglig drivers noong Miyerkules, muling nagsagawa ng piket ang naturang grupo sa Manila Police District headquarters noong Biyernes, upang hingin ang pagkakalaya ng may 16 nilang kasamahan.

Batay sa report ng dzBB, tinatayang 30 drivers kasama ang mga militanteng grupo na Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang nagpiket sa harap ng MPD Headquarters.

Wala namang naganap na bayolenteng pangyayari sa naturang piket kung saan nagdala lamang ang mga drayber at militanteng grupo ng maliliit na streamer na nakasaad ang paghingi nila ng pagpapalaya sa kanilang mga kasamahan.

Kaugnay nito, kinakalap na ng Manila police ang mga video footage noong Miyerkules kung saan nagkaroon ng violent dispersal sa mga kuliglig drivers upang mapatunayang wala talagang naganap na police brutality na inaakusa sa kanila.

Saad pa ng MPD na gagamitin ang mga naturang footage bilang ebidensiya sa gagawing imbestigasyon sa the Commission on Human Rights kaugnay sa magulong dispersal.

Ayon kay MPD spokesman Chief Inspector Erwin Margarejo, ipakikita ng  footage na ang mga drayber ang nagsimula ng kaguluhan kung saan nambato ang mga ito ng mga bato at plastic bottles sa mga pulis.

Matatandaang 12 katao ang nasugatan at 16 na kuliglig drivers ang inaresto matapos ang isang violent dispersal sa kanilang protesta sa Burgos Street malapit sa Manila City Hall.

Nagprotesta ang mga kuliglig drayber makaraang mag-order ang city government sa pagba-ban sa mga ito sa  pagbiyahe sa main streets.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply