Plea bargaining sa tago o nakaw na yaman

TSINUGI ang freedom of expression ng mga sangkot sa kasong plunder at money-laundering ni dating Armed Forces of the Philippines Comptroller General Carlos Garcia.

Ang pagkakaalam natin, kahapon maglalabas ang Sandiganbayan ng desisyon kung kakatigan nito o hindi ang plea bargaining agreement sa pagitan ni Garcia at ng Office of the Ombudsman.

Sa plea bargaining, umamin si Garcia sa mas mababang krimen na direct bribery at hindi sa plunder.

Sa direct bribery, pupuwedeng magpiyansa ang isang akusado at hindi sa plunder at nakalaya na nga siya sa piyansa.

Kakambal ng plea bargaining o tawaran sa kaso ang pagsasauli umano ni Garcia ng nasa kalahati ng kanyang tago o nakaw na yaman mula sa pamahalaan.

Sabi ng Sandiganbayan sa gag order nito, bawal ang lahat ng mga sangkot na maghayag ng anomang balita o magpa-interview o anomang kauri nito na makasisira sa tamang “daan” ng kaso.

Sa ibang salita, mga Bro, gusto ng Sandiganbayan na hindi maiimpluwensiyahan sa paggawa nito ng desisyon at ayaw nitong maging maingay ang paligid para ito makapag-isip nang matino.

oOo

Pero hindi saklaw ng gag order ang kalayaan sa pamamahayag ng iba, gaya ng mediamen at ibang mga kinauukulan.

Kaya libre tayong magpahayag din ng ating saloobin.

Para sa atin, kapani-paniwala ang punto ng iba na tila nilabag mismo ng Ombudsman ang batas sa plea bargaining.

Sabi, uubra lang ang plea bargaining sa mga unang araw ng kaso at hindi sa mga huling araw na nakatitiyak na ang akusado ng pagkatalo.

Napakalakas umano ang ebidensiya na nakaipon si Garcia ng nasa P300 milyong salapi ng bayan, kabilang na ang mga pinagdadala ng kanyang misis at dalawang anak sa Amerika.

Matatandaang nahuli sa Amerika si Mrs. Garcia na may dala-dala umanong $200,000 at dalawa niyang anak na may tig-$100,000 kaya sila ibinilanggo roon.

Kataka-taka rin umanong nakapagpundar ng mga multi-milyong halaga ng mga bahay at sasakyan sa Amerika at Pinas sina Garcia sa liit ng sahod niya bilang heneral ng militar.

Tanong ngayon: tama ba ang Ombudsman sa pakikipagkasundo nito kay Garcia sa plea bargaining?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply