PNoy, bantayan ninyo ang korapsyon sa Makati fuel pipeline

GAANO ba katotoo ang sinasabi ng lolo ko na kung may usok, may apoy?

May nakikita kasing usok sa Makati fuel pipeline.

Hindi dahil sa may nasusunog doon na gasolina o diesel o kaya’y may nagpapaputok ng paputok kundi dahil sa umano’y korapsyon kaugnay ng sana’y pagbubukas muli ng pipeline.

Puwede na umanong mag-business as usual ang mga kompanya ng langis na gumagamit ng pipeline at ang First Philippine Industrial Corporation na may-ari sa pipeline.

Pero may tumitisod umano sa mga ito.

Sa ibang salita, gaano kaya katotoo na may nangingikil para muling makabalik sa  operasyon ang nagsarang fuel pipeline?

Dambuhalang mga halaga umano ang hinihingi ng mga korap para magbukas na ang pipeline ng First Philippine Industrial Corp. at makapagpadaloy na rin ng gasolina at diesel ang Chevron at Shell sa tubo ng langis.

Dahil sa laki ng tongpats na gusto ng mga hunghang na onorabol, hindi umano makapagdesisyon ang mga negosyante riyan kung magpapatuloy pa sila o hindi na sa negosyo.

O kung gagamitin pa nila ang tubo.

Tutpik lang umano ang halaga ng revolutionary tax ng mga kumrad sa Mindanao sa mga kompanya sa minahan ng ginto kung ikukumpara sa kikil ng mga onorabol diyan.

Yang P25 milyong pabuwis ng mga kumrad taon-taon ay sentimo lamang sa tongpats na nais ng mga onorabol sa usapin, sabi.

O PNoy, pakisilip nga ito kung totoo o hindi.

Alalahanin, kung may usok, may apoy.

oOo

Ang kailangan natin dito, PNoy, ay hindi mga bumbero para alisin ang usok at ang apoy.

Ang kailangan ay mga imbestigador na parang jeweler o tagagawa ng ginto na nagsasalang ng mga bakal at bato sa matinding apoy upang lumabas ang ginto, ang katotohanan.

Pero hindi dapat basta imbestigador.

Kailangan ang hindi nasisilaw sa salapi upang walang maitatago na katotohanan.

Kung wala namang ginto o korapsyon na matatagpuan diyan, eh, di wel en gud.

Ipagpatuloy ang nasimulang “matuwid na daan.”

Pero paano kung lalabas na may katotohanan ang tsismis?

Ang problema, PNoy, ay kung makakayanan ng Palasyo na bunutin sa kanilang lungga ang mga korap.

Ang hirap yatang hulihin sa buntot ang mga buwaya.

Kung mahuli mo man, ikaw pang nanghuhuli ang kanilang sasakmalin at lalamunin.

oOo

Ngayon nga lang, Suki, ay hirap na hirap si PNoy sa kanyang layuning makatuntong sa matuwid na daan ang kanyang pamahalaan.

Eh tila dadalawa lang ang humaharang sa kanya.

Batay sa talsik ng dila ng tsismosang nagtsismis nito, marami ang manghaharang kay PNoy.

Baka pa nga may kakampi pa siya sa pulitika.

Pero basta subukin daw ni PNoy ang magkalkal sa kanyang tsismis at tiyak umanong meron siyang matatagpuan.

Maaaring totoo, maaaring kasinungalingan. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply