Posibilidad sa muling pag-iimbestiga sa Vizconde massacre, ikinatuwa ni Lauro

SA gitna ng pagdadalamhati sa naging desisyon ng Korte Suprema sa Vizconde massacre case, nagkaroon ng pag-asa si Lauro Vizconde sa posibilidad na maaaring mabuksang muli ang naturang kaso.

Sa isang panayam sa radio, sinabi ni Vizconde na nagbigay ng pag-asa sa kanya ang posibilidad na maaaring muling imbestigahan ang kaso ng pagpatay sa kanyang  mahal na asawa na si Estrellita at sa kanyang mga anak na si Carmela at Jennifer kung saan maaari pa umano nilang makuha ang hustisya.

“Kaya ako natutuwa at least nagkaroon ng kaunting pag-asa na medyo makita ko … magkaroon ng tunay ng katarungan at makakapahinga ang aking mahal sa buhay,”  ayon kay Vizconde  sa isang panayam sa dwIZ.

Dagdag pa nito, hindi pa rin niya matanggap ang pagpapawalang sala sa pitong akusado noong Martes lalo pa’t naaalala niya ang brutal na pagpatay sa kanyang mahal sa buhay.

Ayon kay Vizconde  plano niyang konsultahing muli ang kanyang abogado at muling makipag-ugnayan kay Justice Secretary Leila de Lima para sa muling pagbubukas ng naturang kaso.

“I think I have to consult my lawyer, and even have a conference with Sec. De Lima. She also pronounced there is a possibility they can reopen the case. Ako [ay] nabuhayan nang kaunting pag-asa,” dagdag pa nito.

Dagdag pa ni Vizconde na kumbinsido pa rin umano siya na may kinalaman ang napawalang salang akusado na si Hubert Webb sa pagpatay sa kanyang mahal sa buhay dahil umano sa pakikipag-usap nito kay Carmela sa telephono bago maganap ang pagmamasaker.

“Carmela told me on the phone, ‘You know I have a suitor who I found out is the son of a politician and belongs to a family in BF (Homes),'” kuwento nito.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply