PPP sablay sa Belgian firm

TAHASANG inihayag kamakailan ng isang Belgian firm na hindi pwedeng pagkatiwalaan ng mga mamumuhunan ang administrasyong Aquino dahil sa pagtalikod nito sa isang kontratang umano’y nauna nang idineklara ni Justice Secretary Leila de Lima na “in perfect order.”

Sa isang pulong-balitaan sa lungsod Quezon, iniladlad ng dayuhang kompanyang Baggerwerken Decloedt & Zoon (BDZ) ang kanilang reklamo na tinawag pa nilang posible umanong magpapasadsad sa ipinangangalandakan ng administrasyong Aquino na Public-Private Partnership projects.

Ayon kay Abraham Espejo, abogado ng BDZ sa bansa, hindi makatarungan ang ginawa ng gobyerno na basta na lamang ibinasura ang proyektong Laguna Lake dredging nang walang sapat na dahilan o tamang abiso sa kanilang kompanya.

Ang proyekto, na nagkakahalaga ng P18.7 bilyon at sinasabing pinondohan sa pamamagitan ng foreign loan na ang 37 porsiyento ay grant mula sa Belgian government ay ang malawakang rehabilitasyon ng Laguna lake tulad ng pagpapalalim ng tubig-lawa at pagpapalawak ng tinatawag na nautical channel para sa mga biyahero sa lawa.

Ayon sa umaalmang kontraktor, mababalewala ang pagsisikap ni Pangulong Aquino na maging matagumpay ang ipinagmamalaki nitong PPP projects kung lantarang mabibisto ng mga dayuhang mamumuhunan na hindi pala tumutupad ang administrasyong sa kanilang obligasyon tulad umano sa ginawa nila sa BDZ.

“Ang pagtalikod sa aming kontrata nang walang sapat na dahilan at pormal na abiso sa aming kompanya ay malinaw na makaaapekto sa pagsisikap ng administrasyong Aquino na makitang suportado ng foreign investors at uusad ang sinasabi nilang PPP projects,” pahayag ng BDZ sa mga taga-media.

“Ang gobyernong tumatalikod o tumatakbo sa isang malinis at nasa ayos na kontrata ay gobyernong hindi pwedeng pagkatiwalaan,” pahayag pa ni Espejo.

Sa kabila ng pagbasura sa naturang kontrata na opisyal na umanong ipinarating ni Finance Secretary Cesar Purisima sa taga-BDZ ay nagpahayag pa rin ang mga ito na nananatili silang umaasa na hindi aabot sa isang international court ang kanilang paghahabol na maipatupad ang Laguna Lake dredging project.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply