Presyo ng langis tumaas pa; tinapay, susunod

ILANG araw bago sumapit ang Kapaskuhan , muli na namang nagtaas ng presyo ang ilang kumpanya ng langis..

Ayon sa Pilipinas Shell, P1.25 ang idinagdag nila sa kada litro ng unleaded gasoline at diesel products nila, habang piso naman per liter ang itinaas ng presyo ng kanilang regular gasoline at kerosene.

Nagpatupad din ng kaparehong price adjustment nitong Martes ng alas-sais ng umaga ang Eastern Petroleum Philippines.

Sa ngayon ay wala pang abiso ang iba pang oil firms kung sasabay din sila sa pagtaas ng presyo ng petroloyo.

Inamin naman ng Department of Energy na hindi nito kayang pigilin ang mga oil companies na magtaas ng presyo ng gasolina.

Sinabi ni DOE Undersecretary Jay Layug na deregulated ang oil industry kung kaya’t wala na silang kontrol dito.

Samantala, tuloy na tuloy na ang pagtaas sa presyo ng tinapay.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), madadagdagan ng piso ang presyo ng mga loaf bread habang P0.50 naman ang idadagdag sa kada sampung piraso ng pandesal.

Ayon sa Philippine Bakers Association, kailangan nilang magtaas ng presyo ng tinapay dahil sa patuloy na paglaki ng gastusin sa produksyon.

Ayon kay DTI Sec. Gregory Domingo, oras na maramdaman umano ng grupo ng mga panadero ang malaking pagbaba ng presyo sa asukal ay baka itigil na nila ang pagtataas ng presyo.

Magiging pansamantala lang umano ang pagtaas sa presyo ng tinapay kaya’t makatwiran ang ginagawa ng mga panadero.

Aniya, nakakalungkot mang isipin na kahit bumaba ang presyo ng asukal ng P20 kada isang sako ay itutuloy pa rin ng mga panadero ang price hike.

Samantala, steady na umano ang presyo ng tinaguriang pang-noche buena items, 11 araw bago ang Pasko.

Sinabi ni Domingo na sa kanilang pagbabantay ng presyo ng mga pangunahing sangkap sa noche Buena, gaya ng mayonnaise at keso, ay wala ng pagtaas o paggalaw sa mga presyo nito.

May mga monitoring teams na rin ang DTI sa mga supermarkets para tingnan ang takbo ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Partikular ding iniinspeksyon ng DTI ang Christmas lights na depektibo o mababa ang kalidad. Ang mga ito ang isa sa mga pangunahing sanhi ng sunog tuwing Kapaskuhan.

Payo ni Domingo sa mga mamimili, magsumbong lamang sa kinauukulan kung may duda sa kalidad ng mga binibili. Johnny F. Arasga

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply