Promulgation kay Sen. Trillanes, muling ibinimbin

IBINIMBIN sa ikalawalang pagkakaton  kahapon ng Makati Regional Trial  Court (RTC)  ang nakatakdang paglalabas ng desisyon sa kinakaharap na kasong kudeta ni Senator Antonio Trillanes IV at iba pang junior officers na kabilang sa Magdalo group na kasama sa pagkubkok sa Oakwood Hotel noong taong 2003.

Ikinatuwiran ni Makati RTC Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 sa ginawang  pagpapaliban ang paglalabas ng desisyon na posibleng tumapos na sa pitong taong kaso ang naging proklamasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na pagkalooban ng amnestiya ang mga rebeldeng sundalo na sinang-ayunan ng dalawang kapulungan ng kongreso.

Sinabi ni Pimentel na nirerespeto ng hukuman ang sangay ng ehekutibo ng pamahalaan lalo na’t may sapat na kapangyarihan ang Pangulo upang maglabas ng proklamasyon na hindi nila kailangan pang tutulan.

Aminado si Pimentel na naihanda na niya ang 260-pahinang desisyon na  pinag-aralan at pinagbuhusan niya ng panahon sa loob ng dalawang buwan kung sakali at matuloy ang promulgasyon.

Gayunman, matapos na magkaisa, pati na ang mga kasama ni Trillanes sa paghiling ng pagpapaliban sa promulgasyon, nagpasiya siyang ibimbin na ang paglalabas nito.

Hindi naman tinutulan ni Senior State Assistant Prosecutor Richard Anthony  Fadullon ang pagpapaliban sa paglalabas ng hatol bagama’t tumanggi siyang maglabas ng pahayag hinggil dito.

Naniniwala naman si Atty. Reynaldo Robles na wala ng dahilan upang isulong pa  ang paglalabas ng promulgasyon dahil inaalis na ng amnestiya kung ano man ang mga nagawang pagkakasala ng mga inaakusahan.

Matapos namang kumpirmahin ni Trillanes na sasailalim siya sa amnestiya, binigyan ng hukuman ng 10-araw ang kanyang mga kasamahan na magsumite ng kanilang manifestation kung sasailalim din sila sa amnestiya dahil dito ibabatay kung kailangan o hindi na dapat ilabas ang hatol. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply