Pumulot ng leksyon sa mga disgrasya

DAPAT na pag-aralan ng mga kinauukulan ang mga dahilan ng mga disgrasya sa lansangan na naganap nitong nagdaang mga araw.

Ilan ba ang namatay at ilan ang nasugatan?
Ano-anong sasakyan ba ang mga nasangkot?

Paano ba pinananagutan ng mga may-ari ng mga sasakyan o mga driver ang mga aksidente?

Hindi pupuwedeng basta na lang sasabihin ng mga kinauukulan na konti lang ang nadisgrasya sa daan dahil sa mahigpit na pagsala nila sa mga sasakyan at drayber ng mga pampublikong sasakyan na bumiyahe sa labas ng kanilang mga prangkisa para matugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa biyahe sa Kapaskuhan.

Ang disgrasya kasi ay disgrasya at ang namatay rito ay hindi na pupuwedeng ibalik pa sa ibabaw ng mundo at tiyak na kawalan sila sa ating lipunan.

Maging ang mga grabeng nasugatan ay hindi na maibabalik pa ang kanilang normal na buhay.

Kung titingnan, lumilitaw na ilan sa mga sangkot ay ang mga may special permit na bumiyahe sa labas ng kanilang mga prangkisa.

Mga tanong ulit: ito ba’y dahil sa kawalan naman ng kasanayan sa terrain ng mga drayber at konduktor?

Ito ba ang isang dahilan ng mga head on collision
ng mga sasakyan?

Paano naman ang mga personal na kondisyon ng mga drayber sa kanilang pagbibiyahe at ang kaugnayan ng mga management sa pagtatrabaho ng mga ito?

Yun bang === baka naman pinupuwersa ng mga management ang mga drayber at konduktor na magtrabaho ng 24 oras para sila kumita hanggang sa mapagod na lang ang mga ito at madisgrasya?

Paano rin ang pagtiyak ng mga may-ari at tauhan nila sa ligtas na pagbibiyahe ng mga sasakyan sa usaping mekanikal? Baka naman sa 24 oras na mabilisang pagbibiyahe ay hindi na gaanong napapansin ang mga depekto ng mga sasakyan hanggang sa madisgrasya na lamang ang mga ito.

Nagtatanong tayo ukol sa mga disgrasya sapagkat araw ng mga bakasyon ngayon.

At ilang araw na lang mula ngayon, naririyan na naman ang mga paspasan at 24 oras na biyahe para sa Bagong Taon.

Maganda ang pumulot ng leksyon mula sa mga disgrasya sa kasalukuyan upang higit na mapag-ibayo ang ligtas na biyahe sa mga darating na araw.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply