Puto sulot

NOONG uhugin pa akong bata sa Navotas at walang sapat na lakas ng pag-iisip para itanong kung bakit kelangan kong gumising sa “madaling araw” para magsimbang “gabi,” sumusunod na lang ako sa bawa’t sabihin ni utol. Kapag sinabi niyang magdasal ako bago matulog, nagdarasal ako kahit walang alam na dasal para hindi lang mabatukan.

Pero tuwing magpapasko, hindi na ako kailangang pilitin para bumangon sa kalamigan ng madaling araw, maghilamos, magpunas ng katawan, magbihis ng magara, magsapatos at magsimba. Madalas hindi ko makumpleto ang siyam na madaling araw hanggang Pasko pero oks na rin. Wala pa akong konsepto ng pagkakasala at kapatawaran noon at kung anu-ano pang sinasabing nakukuha sa pagsisimba.

Basta ang alam ko ay masaya ako sa maraming bagay tuwing sasapit ang ganitong panahon. Maraming masasayang tao sa paligid (at alam nating nakahahawa ang kasayahan), maraming magagandang babae sa simbahan, nakaka-bonding ko ang mga pinsan at kaibigan at higit sa lahat, maraming kakanin.

Dalawa lamang kakanin ang nami-miss ko hanggang ngayon: ang puto sulot at tamales. Kung hindi ka natira o naligaw man lamang sa Navotas, malamang hindi mo alam kung ano ang puto sulot. Maaaring mali ako pero marami-rami na rin akong napuntahang lugar sa labas ng Navotas at hindi ko nakita ang kakaning ito sa mga iyon. Dalawang klase ang putong niluluto sa bumbong ng kawayan sa Navotas noon (ewan ko lang kung hanggang ngayon): ang “puto sulot” nga at ang “puto taktak” na mas kilala sa buong bansa at maraming panig ng daigdig bilang “puto bumbong.” Parehong puto bumbong iyon pero para maiba, tinawag na puto sulot ang puting kaning malagkit na “sinusulot” ng pantulak na patpat para lumabas sa bumbong. Puto taktak naman ang kulay ubeng malagkit na inilalabas sa bumbong sa pamamagitan ng – tingnan mo nga naman – pagtataktak.

Pareho itong nilalagyan ng kinayod na niyog at asukal. At parehong masarap. Ang ginagawa ko pa noon e isinasama ang puto sulot sa sampurado at sinusundan ng inom ng mainit na tsaa.

Napakaraming lugar na rin ang narating ko pero hindi ko nakita ni anino man lamang ng uri ng tamales na nabibili noon sa Navotas tuwing umaga. May nabili akong tamales noong nasa Saudi ako pero ibang-iba ang sangkap at lasa nito. Nang minsang dumalaw ulit ako sa Navotas dahil walang baha noon, sinabi sa aking wala nang nagtitinda ng tamales doon. Gusto kong maiyak pero pinigilan ko na lang at sinabi sa sariling hindi ko na siguro ito matitikmang muli hanggang pumanaw sa mundong ibabaw.

At mas lalong masaklap ito dahil nga magpapasko. Nagsimula na ngayong araw ang simbang madaling araw, este, gabi pala. (Ano kaya ang iniisip noon ng mga ninuno natin at tinawag nilang simbang gabi ang simba sa umaga at “asukal na pula” ang brown sugar? Ayos lang kaya sila?) Hernan Melencio

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply