Salamat Po Ale at Mamang Mamamasura

“Salamat Ale,  salamat Mama sa recycling na araw-araw ninyong ginagawa.” (kantahin sa himig ng “Salamat Ninong,  salamat Ninang sa mga aginaldo ninyong ibibigay”).

Ngayong Kapaskuhan ay mapasalamatan nawa nating lahat silang mga butihing kasapi ng lipunan na kung hindi sa kanilang matiising pamumulot sa ating mga itinatapon ay baka nasukluban na tayo ng mga gabundok na basura.

Sila ang mga mambobote, mangangariton, mangangalahig, mamamasura, mananambakaan o mambubolasi  – mula sa “bolasi” o bote, lata at sibak (o matigas na plastik) – na hindi bida sa politika o pelikula pero unti-unting kinikilala sa kanilang ambag sa pangangalaga ng kalikasan at klima.

Sa kanilang matiyagang paglalakad bitbit ang sako, pagtutulak ng kariton o pagpipidal sa pedicab, pangangalahig sa trak, barge o tambakan ay tone-toneladang materyales ang kanilang naisasauli sa pabrika upang magamit muli sa produksyon.

Pinupulot, tinitipon, pinaghihiwalalay-hiwalay ayon sa klase, nililinis at minsan ay pinoproseso na rin ang mga “recyclable” na nakolekta nila sa mga bahay-bahay, basurahan at tambakan at maski sa mga estero at pati na sa Manila Bay.

Kabilang sa kanilang mga bagay na naisasalba para magamit muli  ay ang mga papel, karton, plastik, lata, tanso, bakal, bote at iba pang mahahalagang sangkap sa paggawa ng sari-saring produkto.

Sa kanilang pagreresiklo ay nababawasan ang pangangailangan ng mga pabrika sa kung tawagin ay mga  “virgin raw material.”  Dahil dito ay nababawasan rin ang kaakibat na polusyon at pagkasira sa kalikasan mula sa pagtotroso, pagmimina, pagpoproseso at pagbibiyahe ng mga materyales sa produksyon.

Dagdag pa, sa kanilang pagreresiklo ay nababawasan rin ang mga panapong itinatambak sa mga “dumpsite” o “landfill” o dili kaya’y sinusunog sa mga “incinerator” o “cement kiln.”

Kapalit ng kanilang serbisyo ay ang hindi maikukubling pagkakalantad nila araw-araw sa mga peligro mula sa pamumulot, paghawak at pag-amoy sa mga pinaghalong basura.

Hindi bihira sa kanilang hanay ang natutusok ng pako at heringilya, nahihiwa ng mga basag na bote o matatalas na yero at lata, nakakahawak o nakakalanghap ng mga basurang kontaminado o nalalantad sa mga kemikal mula sa mga peligrosong basura.

Ngayong panahon ng Pasko ay mabuting maipadama natin sa kanila ang ating pagkilala, pagrespeto at pasasalamat sa kanilang ambag sa lipunan sa maraming pamamaraan na hindi naman mahirap gawin.

Halimbawa: 1) pagbukurin ang mga panapon at ibigay sa kanila ang mga malilinis na “recyclable”; 2) magbigay ng mga pinaggamitang damit, libro, laruan at iba  pa na kapaki-pakinabang pa, at 3) maghandog ng mga nilutong ulam o dili kaya’y kakanin o minatamis.

Maaari din tayong  magbigay ng mga bagay na magbibigay proteksyon sa kanilang katawan at kalusugan mula sa mga peligrong kakabit ng kanilang trabaho tulad ng mga payong, kapote, sapatos na goma at t-shirt na mahaba ang manggas.

Gaya ng iminumungkahi ng EcoWaste Coalition, halina’t sama-samat nating pasalamatan sina Ale at Mamang Mamamasura at kilalanin silang mga bida sa basurahan at tambakan na katuwang ng lipunan sa pangangalaga kay Inang Kalikasan. Manny Calonzo

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply