Seguridad pinaigting, mga magnanakaw umatake
SA kabila ng pinaigting na seguridad sa iba’t ibang parte ng Metro Manila partikular sa pamilihan dahil sa papalapit na kapaskuhan, muling umatake ang mga magnanakaw kung saan nakapagtala ng tatlong insidente sa loob lamang ng 24 oras.
Sa Moriones district, Tondo, Manila, isang lalaking naka- blue scooter ang nagtangay ng libro, cellphone at P1,000 sa estudyanteng si Lisa May del Rosario.
Sa North Bay Boulevard sa Balut, Tondo, isang di nakilalang kalalakihan ang nagnakaw ng P40,000 halaga ng mga alahas at P63,000 pera ni Corazon Sanguilles.
Sa R-10 road sa Tondo, kinuha ng mga magnanakaw ang mga dokumento, P3,000 halaga ng pera at cell phone ni Gary Atilano, isang messenger.
Kaugnay nito, pinaigting pa ng eastern Metro Manila ang seguridad partikular sa mga tiangge sa Marikina City laban sa mga masasamang loob.
Lumilibot ang mga pulis sa River Park area upang maispatan ang mga masasamang loob na pagala-gala rin at naghahanap ng mga mabibiktima sa kaabalahan sa pamimili ng mga regalo at bagong damit sa Kapaskuhan.
You must be logged in to post a comment Login