Si Speedy Freddie at si Mang Lauro Visconde

ISA akong fan ni Freddie Webb. Nakalakihan ko at hinangaan ang kanyang husay sa paglalaro ng basketball.

Mabilis, mahusay magpasa ng bola, sure ball madalas pag bumitaw. Speedy Freddie ang bansag sa kanya noon.

Ginagaya ko sa paglalaro ko ng basketball ang style nya. Kaya halos lahat ng uniporme ko sa basketball, 14 ang numero, kagaya ng kay Freddie Webb. Ang paghanga ko kay Freddie ay dinala ko maging sa pagsunod sa kanyang political career.

Paborito kong Senador si Webb. At binoto ko sya bilang Senador maging noong kainitan ng Visconde massacre trial. Alam ng marami na natalo sya, sa muling pagtakbo dahil na rin marahil sa pagkakasangkot nga ng anak nya na si Hubert sa krimen ng pagpaslang sa mag-iina ni Lauro Visconde.  Nasira na ang political career ni Webb.

Pero idol ko pa rin si Speedy Freddie.  At bilang isang ama ipinakita nya sa mundo ang wagas at walang sukat na pagmamahal nya sa anak. Sa gitna ng lahat, hindi nya iniwan at sinuportahan pa nya ito kahit ang kapalit ay ang pagkawasak na nga ng kahit anong career na pwede pa sana sa dating Senador dahil sa negatibong public opinion laban sa kanya at sa kanyang pamilya.

Hindi katulad ng ibang pulitiko si Senator Freddie na kunwari ay hindi makikialam at pababayaan ang pag-ikot ng batas kapag sangkot ang kamag-anak o pamilya pero nakikialam din nang patago at gagawa ng paraan para maimpluwensyahan ang desisyon ng korte at batas.

Si Freddie, mula simula ay naniwala, nanindigan, nakipaglaban na walang kasalanan si Hubert.  Pero ang malaking tanong – wala nga bang kasalanan si Hubert Webb?

Oo at acquitted sya ng Supreme Court at pinalaya na nga, kasama ang iba pa sa mga kasama nyang mga akusado.

Pero parang sa basketball, dikit ang laban sa naging desisyon ng mga mahistrado. Pito ang pumabor na palayain na si Hubert at iba pang mga akusado at 4 ang kontra.

Pero may apat na hindi bumoto, nag-inhibit o nag-abstain. Sa labing-limang justices, 7 lang ang nagbigay ng acquittal na hatol para sa mga akusado sa pag-rape at pagpatay kay Carmela Visconde at sa kanyang ina at nakababatang kapatid na babae.

Kung yung apat na hindi bumoto ay pumabor laban sa acquittal, pwede pa sanang manalo ang prosecution o ang kampo ni Lauro Visconde.  Ganyan ang hinahatulan ang mga kaso sa Korte Suprema.

Mahilig ako magbasa ng mga crime at law fiction ng manunulat na si Michaell Connely, John Grisham at iba pa at sabi sa isang nobela nila “acquittal does not mean the accused is innocent”, ang ibig sabihin lang ng acquittal ay hindi napatunayan ng prosecution ang guilt ng mga akusado “beyond reasonable doubt.”

Pito sa mga mahistrado ang nagsabi na mahina at hindi kapanipaniwala ang testimonya ng star witness ng kaso na si Jessica Alfaro. Tatlo sa 7 na yun ay personal kong kilala bilang isang abogado din at masasabi ko na mahuhusay talaga sila sa criminal cases.

Marami ang nagulat at nadismaya sa hatol ng Korte Suprema. Mapait ito para kay Mang Lauro Visconde. Dama ko ang sakit na nararamdaman nya bilang asawa at ama. At naiintindihan ko ang akusasyon nya nang sabihin nya
na nabayaran ang mga mahistrado.

Imbes na matapos ay lalong lumalim ang misteryo ng krimen ng Visconde massacre. Kung hindi mapatunayan ng prosecution na sila Hubert nga at mga kasama ang pumatay sa mag-iinang Visconde? Paano na? Sino ang mga kriminal?

Ang kasagutan ko sa palaisipang ito ay mula din sa isang nobelang nabasa ko – JUSTICE IS BLIND, BUT SURELY IT CAN SEE IN THE DARK.  Hustiya, katarungan para sa mga Visconde. Iyan ang sigaw ng bayan. Sama ako dyan at alam ko kasama ko sa panawagan kong ito ang aking idolo.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply