Silipin natin ang papel ng mga mahistrado at hukom sa mga kaso

SUNOD-SUNOD ang mga pangyayaring ikinalulutang nang todo ng mga  mahistrado at hukom sa mga araw na ito.

Nakukuha nila ang atensyon ni Juan sa gabi’t araw mula Lunes hanggang Linggo.

Sa dami kasi ng mga kontrobersiya o hindi malutas sa patayo at paupo ng mga naglalaban-labang mga puwersa o interes, sa hukuman sila umaasa ng pag-iral ng batas, katwiran at katarungan.

Kaya naman kinakailangang pumapel ang mga mahistrado at hukom.

Eh panay pang nakaaantig ng puso o kaya’y nakapipikon o nakabubuwisit sa marami ang mga kontrobersiya.

Kung minsan ay di  mapagkatulog si Juan dahil sa desisyon ng mga mahistrado o hukom.

oOo

Kapain natin, Suki, ang mga nagaganap sa mga hukuman.

Una, pinayagan ng Korte Suprema ang toll hike sa South Luzon Expressway.

Bagama’t iniutos nitong dapat na pag-aralan ng husto ng Toll Regulatory Board ang nararapat na toll hike, tiyak na hanggang langit ang gusto ng TRB at kontratista na toll hike.

Ngayon, paano ang lahat ng motorista, mananakay at negosyante na daraan sa lugar na may 300 porsiyentong toll hike?

Ikalawa, ibinasura naman  ng KS ang Executive Order No. 1 at Truth Commission na  mag-imbestiga sana sa katiwalian umano ng nakaraang administrasyon.

Dahil dito, tiyak na madidiskaril ang paghahanap ng katotohanan o kasinungalingan sa bilyon-bilyong halaga ng umano’y mga iskam.

Higit dito, paano ang mga nabulid sa kahirapan at kamatayan na nauugat sa mga iskam na ito?

Ikatlo, idineklarang not guilty at pinalaya ng Hukuman ang mga akusado sa Vizconde massacre.

Binaligtad ng KS ang desisyon ng Regional trial Court at Court of Appeals na nagsabing guilty sina Webb.

Paano na ngayon ang katarungan para sa mga kinatay at hinalay na mag-iina ni Mang Lauro Vizconde na sina
Estrellita, Carmela at Jennifer?

Ikaapat, naiulat na ibinasura ng Pasig Regional Trial Court ang kasong pambababoy ni Hayden Kho kay Katrina Halili.

Paano ang dangal ni Halili na binaboy ng isang manyak na doktor?

Paano ba talaga paiiralin ang batas na nagpaparusa sa pananakit sa mga kababaihan at kabataan?

oOo

Kung sisilipin natin ang mga desisyon ng mga hukuman, mayroong kapuna-puna.

Malalaki ang mga pinepetisyon o kinakasuhan at maliliit ang mga nagpepetisyon o nagsasampa ng kaso.

Tila panay pabor sa mga malalaki at makapangyarihan ang mga desisyon ng mga hukom o mahistrado.

Ang mga naghahabol ng katarungan na maliliit ay pawang mga pinagtatabig.

Op kors may sariling katwiran ang mga hukuman at ang ending ng lahat ay rule of law at totoong katarungan umano.

Sabi pa nga ng isang mahistrado, “Ang tama ay tama at ang mali ay mali!”

Pero sa lahat ng mga desisyon ng mga mahistrado at hukom, may mga pagdududa.

Tanong nila, talaga bang walang nababaluktot na mga batas at talaga bang hindi napipilipit hanggang sa mabaluktot ang timbangan ng katarungan?

Ewan natin.

Pero ano itong sinasabi ni Lauro Vizconde na isang justice mismo ang nagbulong sa kanya na may gumagapang sa kanyang kaso?

Naganap din ba ang gapangan sa ibang mga kaso, huh?

Nakatatakot, Suki, kung totoo ito! Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply