Sino-sino ngayon ang mga pumatay sa mga Vizconde?

PINAWALANG-SALA kahapon ng Korte Suprema ang pito sa siyam na akusado sa Vizconde massacre.

Sabi ng Hukuman, hindi napatunayan nang buo ang pagkakaroon ng kasalanan nina Hubert Webb, Antonio Lejano, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Hospicio Fernandez, Peter Estrada at Gerardo Biong.

Nakalalaya pa ang mga suspek na sina Artemio Ventura at Joey Filart at ‘di sila kasama sa desisyon.

Kung maalaala ninyo, mga Bro, pinatay sina Estrellita Vizconde at mga anak nila ni Lauro Vizconde na sina Carmela at Jennifer noong Hunyo 30, 1991 sa loob ng kanilang bahay sa BF Homes, Paranaque City.

Tinadtad na ng saksak si Carmela, ni-rape pa siya.

oOo

Dahil sa desisyon, nagkaroon tuloy ng pagdududa sa lahat ng bagay sa kaso hanggang sa umabot ang pagdududa sa mga ginagawa ng mga hukuman.

Kauna-unahan sa mga pinagdududahan ay ang mga tunay na pumatay at lumapastangan sa mag-iinang Vizconde.

Ikalawa, gaano umano kasigurado ang Korte Suprema na tama ang desisyon nito?

Base ang katanungang ito sa naunang desisyon ng dalawang naunang hukuman na guilty beyond reasonable doubt ang mga akusado.

Ang Regional Trial Court at Court of Appeals ang nagsabing sina Webb ang mga kriminal.

Pagdating sa Korte Suprema, hindi naman umano napatunayan ng piskalya o tagausig ang pagkakasala ng mga akusado.

Pero nauna rito ang puno rin ng pagdududa sa mga pangyayari.

Inakusahan ng mga akusado ang National Bureau of Investigation na nagmaniobra para madiin sila sa kaso.
Imbento lamang umano ang mga pinagsasabi ng mga testigo, lalo na si Jessica Alfaro na naging star witness sa panig ng mga biktima at tagausig.

Idinidiin naman ng tagausig na nagmaniobra ang mga akusado sa pagsusunog at pagsira sa mga ebidensiya sa pamamagitan ni Biong. Nagdoktor din umano sila ng mga ebidensiya, lalo na sa parte ni Hubert Webb na inakusahang siya ang may kagagawan sa pagpatay at pag-rape kay Carmela.

Ngayon ay nalilito ang tao kung ano ang sino at sino ang ano hanggang sa malagay sa alanganin ang katarungan.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply