Tingin, ngiti, tingi

SINASABING ina ng imbensyon ang pangangailangan. Hmm, e sino naman kaya ang tatay?

Palagay ko wala itong tatay at isang putok sa buho. Pero marami itong komadrona. Hindi naman kasi agad-agad na sumusulpot sa mundong ibabaw ang isang imbensyon. Kelangan ng komadrona na maghihintay at hihilot sa ina para ang isang ideya e “isilang” bilang isang imbensyon.

May mga imbensyon na tumatagal ang bisa at meron namang patay agad pagkasilang. Isang importante at mahalagang imbensyon para sa akin e ang pangkamot sa likod. Hindi ko alam kung tatagal ako sa daigdig kapagwala noon.

Pero naligaw na ako; hindi pangkamot ang gusto kong pag-usapan kundi ang isang imbensyong hindi naman talaga bago pero may bagong bihis.

Ito ang plastic na pambalot na kung tawagin e “sachet” (sa-shey). Hindi mo ito maiiwasang di mapansin. Sa mga kampanya para sa kalikasan at laban sa global warming o charter change, este, climate change, pinagtutuunan lagi ng pansin ang plastic bags – alias sando bags – at parang nakakaligtaan ang sachet na malaking perwisyo rin naman ang dulot.

Sa halip na alisin sa merkado, lalong dumarami sila na parang anay at pinababayaan dahil kailangan. Palatandaan ito na dumarami ang tumatanggkilik dito. Oo, naimbento ito dahil may pangangailangan.

Hindi pa masyadong matagal sa yugto ng ating kasaysayan ang tinatawag na “tingi.” Dati-rati’y mga maliliit na tindahan ng sari-sari lamang ang nagtitingi ng paninda. Kaunti nito, kaunti niyon, kaunting hingi, tingi. Karaniwang ibinabalot ang panindang tingi sa diyaryo o papel, at sa plastik nang mauso na ito.

Nitong nakaraang Pasko, habang nagluluto sa kusina, napansin kong halos lahat na ng produkto e mabibili na sa sachet. Kahit saan ako lumingon e sachet ang makikita. Toyo, suka, mantika, kape, gatas, creamer, shampoo, halos lahat. Kaya medyo nag-init ang tenga ko nang magpabili ng instant iced tea at walang mabili ang kasama namin sa bahay kundi iced tea na nasa maliliit na sachet na parang sinturon ni Hudas.

Oo, nangangampanya tayo na iwasan ang “disposable” plastic containers dahil bumabara ito sa mga lagusan ng tubig at nagdudulot ng baha.

Pero patuloy na pinapatay ng mga sachet ang bote at mga lalagyang matagal ang gamit.

May pangangailangan kaya sila naimbento. Nakuha ng kapitalista ang kahinaan ng mga mamimili. Ang kahinaan ng kanilang bulsa.

Dahil sa hirap ng buhay, natural na kinagawian ng mga mahihirap ang bumili ng patingi-tingi at hindi biglaan. Nahawa na rin sa ganitong gawi ang middle class. Hindi na lang kasi mahihirap ang naghihirap; naghihirap na rin ang middle class.

At habang hindi tayo umaasenso sa buhay bilang bansa, asahang lalo pang darami ang sachet hanggang tawagin tayong “sachet nation.” Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply